Ílog Cagayan
Geology, water, river, Cagayan River, Luzon
Pinakamahabà at pinakamalaking ilog sa Filipinas ang Ílog Cagayan (Ka·ga·yán) at matatagpuan sa rehiyon ng Lambak Cagayan sa hilagang-silangan ng Luzon. Du-madaan ito sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Cagayan. Tinatawag din itong Rio Grande de Cagayan. Ang pangunahing daloy nitó’y nása Kabun-dukang Caraballo sa taas na 1,524 metro at dumadaloy pahilaga nang 505 kilometro patungo sa bunganga nitó sa Lagusang Babuyan malapit sa Aparri, Cagayan. Mga pangunahing sanga nitó ang mga Ilog Chico, Siffu, Mallig, Magat, at Ilagan. May malawak na pook tambakang-tubig ito na 27,300 kilometro sa mga lalawigan ng Apa-yao, Aurora, Cagayan, Ifugao, Isabela, Kalinga, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Quirino. Dinadaluyan ito ng humigit-kumulang sa 53,943 milyong metro kubiko san-taon at may reserbang tubig sa ilalim ng lupa na 47,895 milyong metro kubiko. Ang pagbahâ ng Ílog Cagayan at mga sanga nitó kung tag-ulan ay nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian sa mga bayan sa paligid.
Kumakalinga ito ng ilang katutubo’t nanganganib na espesye, lalo na ang isdang tinatawag na lúdong (Cestraeus plicantilis). Nagpaparami ang lúdong sa kaitaasan ng Ílog Cagayan sa Jones, Isabela. Sa pagtatapos ng Oktubre hang-gang kalagitnaan ng Nobyembre, lumalangoy pababâ ng ilog ang lúdong para pawalan ang mga itlog sa bunganga ng ilog malapit sa Aparri. Sa Pebrero, ang mga munting lúdong ay nilalambat hábang lumalangoy paakyat ng ilog.
Pinatataba ng ilog ang lupain sa Lambak Cagayan na saga-na sa mga pananim na gaya ng palay, mais, saging, niyog, sitrus, at tabako. Sinasabing ang pangalan ng pangkating Ibanag ay mula sa Bannag—ang sinaunang pangalan ng Ílog Cagayan. (AMP)