Ílog Bíkol
Geology, water, river, Bicol River, Luzon
Ang Ílog Bíkol ang ikawalong pinakamalaking ilog sa Filipinas. Matatagpuan ito sa rehiyong Bikol sa timog Luzon. Ang drainage basin nitó ay tinatayang may lak-ing 3,770 kilometro kuwadrado at sumasaklaw sa tatlong lalawigan, ang gitnang bahagi ng Camarines Sur, hilagang bahagi ng Albay, at timog bahagi ng Camarines Norte.
May habà itong 94 km at nagsisimula sa Lawàng Bato, ang ikapitong pinakamalaking lawa sa bansa. Pinaliligi-ran ito sa hilagang-silangan ng Bulubunduking Bikol, na isang pangkat ng mga bulkan kabilang ang Iriga, Malinao, Masaraga, at Mayon, at sa timog-kanluran ng mga Buról Ragay. Umaagos ito pahilagang-kanluran sa malawak na kapatagan ng Lambak Bikol bago bumuhos sa Look San Miguel, sa gitna ng mga bayan ng Cabusao at Calabanga sa Camarines Sur. Ilan sa mga sangay nitó ang Ílog Lib-manan at Ílog Sipocot.
Dumadaan ang ilog sa mga lungsod ng Naga at Iriga, at ito ang pinagmumulan ng malinis na tubig at kabuhayan (pang-ingisda, pagsasaka) sa maraming mamama-yan ng Bikol. Ang lu-paing dinadaanan ng ilog patungo sa dagat ay hitik sa mga anyo ng búhay; humihimpil dito ang libo-libong migratoryong na ibon. Matatagpuan dito ang mga kagubatan ng bakawan, pinak, palaisdaan, at palayan. Ilan sa mga in-aaning lamantubig ay alamang at dilis. (PKJ)