Ílog Agúsan

Geology, water, river, Agusan River, Mindanao

 

Ang Ílog Agúsan ay isang pangunahing daluyan ng tubig na matatagpuan sa silangang bahagi ng Mindanao. Ang Agusan at mga sangay nitó ay sumasaklaw sa kalakhan ng Rehiyong Caraga at ilang bahagi ng Rehiyong Davao. Nagsisimula ito sa kabundukan ng lalawigan ng Com-postela Valley, malapit sa Davao Oriental at sa Lungsod Tagum. Umaagos ito sa Lambak ng Agusan bago bumuhos sa Look Butuan sa bunganga nitó sa Lungsod Butuan.

 

Ang Ilog Agusan ang ikatlong pinakamalaking river basin sa bansa sa lawak na 10,921 kilometro kuwadrado. May habà itong 350 km. Maaaring hatiin sa tatlong bahagi ang saklaw ng Ilog Agusan at mga sangay nitó. Ang una ay mula sa hulo nitó sa Compostela Valley hanggang sa Santa Josefa at Veruela, Agusan del Sur; ang gitna’y mula sa Santa Josefa hanggang Amparo, Agusan del Sur; at ang ibabâ’y mula Amparo hanggang Lungsod Butuan, Agusan del Norte.

 

Matatagpuan sa kaligiran ng ilog ang Latiang Agusan (Agusan Marsh) na may lawak na 19,197 ektarya. Bí-lang tahanan ng mga nanganganib na hayop at hala-man, mahalaga sa ekosistema ng Mindanao ang latian, kung kayâ naman ipinahayag itong wildlife sanctuary noong 1996. (PKJ)

Cite this article as: Ílog Agúsan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ilog-agusan/