Ílog Ábra

Geology, river, water, river system, Abra River

 

 

Ang Ílog Ábra ang isa sa pinakamalaking sistemang ilog sa Filipinas. Ang ilog at mga sangay nitó ay matatagpuan sa mga rehiyong Cordillera at Ilocos at dumadaloy sa mga lalawigan ng Abra, Benguet, at Ilocos Sur. Nagsisimula ito sa Bundok Data sa kabundukan ng Cordillera at umaa-gos pahilagang-kanluran tungo sa bayan ng Cervantes sa Ilocos Sur bago tumuloy sa mabababàng bahagi ng Abra. Sumasanib sa ilog ang sangay nitóng Ilog Tineg, na nag-mumula sa mga mataas na bahagi ng Abra. Dumaraan muli ito sa Ilocos Sur bago bumuhos sa Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog China) sa Lungsod Vigan.

 

Ang Ílog Ábra ay may habàng 178 km at may river basin na 5,125 kilometro kuwadrado. Iilan lámang ang mga tu-lay na tumatawid sa ilog, kung kayâ’t nakasalalay pa rin ang transportasyon sa mga barko, tulad ng mga motorized ferry sa Bangued, kabisera ng Abra. Noong nakaraang pa-nahon, ang ilog ang nagsilbing daan papasok at palabas ng lalawigan, at ito ang ginagamit na ruta ng mga mangan-galakal mula sa Vigan. (PKJ)

Cite this article as: Ílog Ábra. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ilog-abra/