Hermogenes Ilagan
(19 Abril 1873–27 Pebrero 1943)
Si Hermogenes Ilagan (Her·mo·hé·nes I·lá·gan) ay bantog na mandudula at kinikilálang “Amang Dulaang Tagalog.”Isa siyá sa masigasig na tagapagtaguyod ng sarsuwelang Filipino. Malaki ang kaniyang nagawa upang magiging popular sa madla ang sarsuwela. Bukod pa, ang kaniyang sarsuwelang Dalagang Bukid ang itinuturing na isa pinakapopular na dula bago magkadigma.
Noong 1902, inorganisa ni Ilagan ang Compania Lirico-Dramatica Tagala de Gatchalian y Ilagan (naging Compania Ilagan kinalaunan), ang unang kompanyang sarsuwela. Nagtanghal silá sa iba’t ibang lalawigan ng Luzon tulad ng Bulacan, Laguna, Nueva Ecija, at Tayabas (ngayon ay Quezon). Siyá ang manunulat at prodyuser ng Ang Buhay nga Naman, Ang Buwan ng Oktubre, Bill de Divorcio,Dahil kay Ina,Dalawang Hangal,Despues de Dios, el Dinero, Ilaw ng Katotohanan, Kagalingan ng Bayan, Venus (Ang Operang Putol), Wagas na Pag-ibig, Sangla ni Rita, Isang Uno’t Cero, Centro Pericultura, Panarak ni Rosa Punyal ni Rosa), Lucha Electoral, at iba pa. Kabilang si Ilagan sa mga dramatistang nagpayabong sa tinatawag na “Gintong Panahon ng Teatrong Filipino.”
Isinilang siyá noong 19 Abril 1873 sa Bigaa (ngayon ay Balagtas), Bulacan. Maagang natuklasan ang kaniyang husay sa pag-awit at kinuha siyáng kasapi ng koro ng Simbahan ng Sta. Cruz sa Maynila. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila ngunit hindi nakapagtapos dulot ng pagsapi sa isang tropang sarsuwela mula España. Pumanaw siyá noong 27 Pebrero 1943. (PKJ)