Candido Iban
(3 Oktubre 1863–23 Marso 1897)
Si Candido Iban (Kán·di·dó Í·ban) ay isa sa mga pinunò ng Katipunan sa Bisayas, at isa sa Labinsiyam na Martir ng Aklan, ang mga unang bayani ng lalawigan sapanahon ng Himagsikang Filipino na binitay ng mga Español sa bayan ng Kalibo noong 23 Marso 1897.
Isinilang si Iban sa Lilo-an, Malinao, Aklan noong 3 Oktubre 1863. Itinuturing siyáng unang “OFW” ng Malinao sapagkat nag trabaho bilang maninisid ng perlas sa Australia. Dito niya nakilala si Francisco del Castillo (kilala rin bilang Francisco Castillo) na naging kasáma niya sa Katipunan. Sa Australia, nagwagi si Iban sa loterya, at ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa kilusan ni Supre- mo Andres Bonifacio. Ginamit ang salaping ito upang makabili ng kinakailangang imprenta na siyáng naglimbag sa pahayagang Kalayaan ng Katipunan.
Noong Enero 1897, pinabalik ni Bonifacio ang dalawang kasusumpang Katipunero na sina Iban at Castillo sa Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Bisayas at mangalap ng mga bagong kasapi. Pinasimulan nina Iban at Castillo ang kilusang rebolusyonaryo sa Aklan, na naging unang lugar sa labas ng Luzon na sumanib sa Himagsikang Filipino. Ang sinilangang baryo ni Iban, ang Lilo-an sa Malinao, ang nagsilbing kabisera ng kilusang rebolusyonaryo sa kanluran ng Ilog Aklan (o Ilog Akean).
Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban ng mga kababayang naglilingkod sa mga Español at dinalá sa Kalibo.Ilang daang Katipunero, sa pamumunò ni Heneral Castillo na nakasakay sa putîng kabayo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni Capitan Municipal Juan Azaraga pinagkukutaan ng mga opisyal ng bayan at ng mga guwardia sibil. Pagkatapos himukin ni Castillo si Azaraga upang lumabas, pinaputukan kaagad ang Filipino ng heneral.
Sa pagkakapatay kay Castillo, umurong ang mga nag-alsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinunò ng puwersang Español sa Visayas, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung nagtatago sa kabundukan ang sumuko mula Marso 19 hanggang 22, 1897. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumilì siyá ng 20 na inakala niyang lider, na naging 19 nang pawalan ang isa. Kabilang si Iban sa labinsiyam. Pinahirapan ang mga ito bago hinatulang barilin sa madaling-araw ng Marso 23. Kinaladkad ang mga bangkay nilá sa liwasang bayan upang huwag pamarisan ng ibang taga-Aklan. Pero hindi natakot ang mga kababayan at sa halip ay nagpatuloy sa pag-aalsa.
Isang bantayog para kay Iban ang matatagpuan sa plaza ng Malinao, Aklan. (PKJ)