Huk

Ang Hukbóng Báyan Lában sa Hapón, mas kilalá bilang Hukbalaháp, ay isang kilusang gerilyang binuo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang armadong bahagi nitó laban sa mga Japanese. Nagsimula bilang armadong kilusan laban sa mga Japanese, ito ang nagpasiklab ng malaking rebelyon laban sa Pamahalaan ng Filipinas sa panahon ng pamumunò ni Pangulong Carlos Quirino. Sa panahong ito higit na ginamit ang pinaikli pang tawag na Huk sa Hukbalahap ngunit ngayon ay alinsunod sa binago nitóng pangalan na Hukbóng Mapagpalayà ng Báyan o HMB. Ang kilusang Huk ay binubuo ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon. Sinasabing may malalim na ugat ito sa sistemang encomienda ng mga Espanyol, isang sistemang sanhi ng pagkakaroon ng malalawak na lupaing hawak ng iilan at ng malubhang pag-abuso sa mga magsasaka. Ang patuloy na pagsikil sa karapatan ng magsasaka ang sanhi ng mga kilusang gaya ng Huk.

Noong 29 Marso 1942, nagkaroon ng pulong sa Bawit, San Julian, Cabiao, Nueva Ecija ang mga lider magsasaka upang bumuo ng isang organisasyon. Mula dito, binuo ang isang komiteng militar na pinamunuan ni Luis Taruc, Castro Alejandrino bilang pangalawang pinunò, Bernardo Poblete, at Felepa Culala. Mabilis na dumami ang kasapi nitó at sinasabing noong 1943 ay mayroon itong 15,000 hanggang 20,000 na aktibong sundalo hábang 50,000 naman angreserba.

Nang manalo sa pagkapangulo si Manuel Roxas, ikinampanya niya ang pagsupil sa Hukbalahap. Nang matanggal sa Kongreso si Luis Taruc, namundok muli ang mga gerilya at idineklara ang kanilang rebelyon laban sa pamahalaan. Noong mga taóng 1950, itinalagang kalihim  ng Tanggulang Bansa si Ramon Magsaysay at naging epektibong pinunò sa kampanya ng gobyerno laban sa mga Huk. Unti-unting lumiit ang tagatangkilik ng rebeldeng grupo at marami ang naniwala sa handog na reporma ni Magsaysay. Noong 1954, ipinadalá ng noon ay Pangulong Magsaysay si Benigno “Ninoy” Aquino Jr upang makipagnegosasyon kay Luis Taruc. Nagresulta ito sa pagsuko ni Taruc noong 17 Mayo 1954 at opisyal na nagwakas ang rebelyong Huk. (KLL)

Cite this article as: Huk. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/huk/