Hospicio de San Jose
Ang Hospicio de San Jose (Os·pís·yo de San Ho·sé)ang kauna-unahang Katolikong institusyong pangkawanggawa sa Filipinas. Ang hospicio ay salitâng Español na nan- gangahulugang “ampunan.” Itinatag ito noong 1778 upang magsilbing tahananng mahihirap at may ka- pansanan sa Maynila. Ngayon, kinukupkop nitó ang mga batàng ulila o iniwan ng mga magulang,matatandang walang tahanan, at mga maykapansanan.
Nagsimula ito bilang “Hospicio General” at naitatag sa pamamagitan ng pondo sa halagang apat na libong piso (P 4,000.00) na kaloob ni Don Francisco Gomez at ng kaniyang maybahay na si Doña Barbara Versoza, upang magpasalamat sa paggalíng mula sa isang malubhang karamdaman. Ayon sa balita, may iba pang nagkaloob ng karagdagang halaga noong buháy pa ang mag-asawa. Sa kasamaang palad, hindi na nilá nakita ang aktuwal na pagkatatag ng institusyong hinangad niláng maging tagakupkop ng mga kapuspalad ng Maynila.
Nang lumaon, ipinangalan ang Hospicio General kay San Jose kaya naging Hospicio de San Jose. Nagkaroon ito ng ibat ibang tahanan: una, sa Pandacan,pagkaraan ay sa Intramuros, sa Nagtahan, at sa Echague. Noong 1810, inilipat ito sa “Isla de Convalescencia” malapit sa Tulay ng Ayala at doon ito matatagpuan hanggang sa kasalukuyan. Noong Disyembre 1810, isang Lupong Pamunuan ang namahala sa Hospicio; pagkaraan, isang Decreto Real ang nag-atas sa Arsobispo ng Maynila upang mamahala nitó. Noong Hunyo 1886, nalipat ang pamamahala sa Daughters of Charity of St. Vincent de Paul, sa kahilingan sa Gobernador Heneral ni Doña Margarita Rojas, isa sa mga tagapagtaguyod ng Hospicio. (AEB)