Zoilo Hilario
(27 Hunyo 1892–13 Hunyo 1963)
Si Zoilo Hilario (Zo·í·lo Hi·lár·yo) ay isang makata, mananaysay, mandudula at mambabatas na Pampanggo. Naging mahalaga ang kaniyang librong Bayong Sunis na naglalaman ng kaniyang tula sa wikang Pampango, pagpupugay sa mga bayani at mga manunulat ng Pampanga, gayundin ang kaniyang mga prinsipyo sa pagtula at mga saliksik sa alpabeto at ortograpiyang Pampanggo.
Isinilang siyá noong 27 Hunyo 1892 sa San Fernando, Pampanga kina Tiburcio Hilario at Adriana Sangalang. Nagtapos siyá ng bachiller en artes sa Liceo de Manila. Natapos niya naman ang abogasya sa Escuela de Derecho noong 1911 at naging ganap na abogado nang sumunod na taón.
Nalathala ang kaniyang aklat ng tulang Adelfas de la lira Filipina noong 1913 at Patria y redencion noong 1914. Nagkamit siyá ng karangalang Makatang Laureado noong 1917 at 1918 sa kaniyang mga tulang “Alma Española” at “Jardin y Epicureo. ”Kinilala din ang kaniyang pagtula sa wikang Kapampangan nang magwagi sa isang timpalak sa Pampanga ang kaniyang tulang Ing Babai. Ang Bayong Sunis ang hulíng aklat na ipinalimbag niya nanaglalaman ng 150 pilìng tulang Kapampangan. Nailimbag naman noong 1968 ang kaniyang Ilustres varones at Himnos y arengas na naglalaman ng kaniyang mga tula sa Español. Bukod sa pagiging makata, kinilala rin siyá bílang man- dudula. Ilan sa kaniyang mga isinulat ay ang Mumunang Sinta, Sampagang E Malalanat, Bandila ning Filipinas at JuandelaCruz,AnakningKatipunan.
Naging aktibo siyá sa politika. Naging konsehal siyáng San Fernando. Mula 1915 hanggang 1931, nagsilbi siyang kalihim ng sangguniang panlalawigan ng Pampanga. Noong 1931, nahalal siyá bilang kinatawan ng lalawigan sa Kongreso. Bílang mambabatas, inakda niya ang unang batas tungkol sa pangungupahan sa lupa, naging katuwang na may-akda ng mga batas tungkol sa karapatan ng kababaihang bumoto at ang paggunita sa Pamban- sang Araw ng mga Bayani, at ilan pang mga batas para sa kapakanan ng mga manggagawa. Noong 1932 at 1933 ay itinanghal siyá ng isa sa mga nangungunang mambabatas sa bansa. Noong 1938 ay hinirang siyá ni Pangulong Manuel L. Quezon na isa sa mga unang kasaping Surian ng Wikang Pambansa, at naging kinatawan ng mga Kapampangan dito. Nagsilbi rin siyáng hukom sa Ilocos Sur mula 1947 hanggang 1954, at sa Tarlac mula 1954 hanggang sa kaniyang pagreretiro noong 1960. Matapos magretiro ay nagpatuloy pa rin siyáng magsilbing tagapayo ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo sa mga usaping legal.Noong 1962 ay itinalaga naman siyá ni Pangulong Diosdado Macapagal na kasapi ng Philippine Historical Commission. Namatay siyá noong 13 Hunyo 1963. Noong 1982, nagpugay sa kaniya ang National Historical Institute at ang pamahalaang lokal ng Pampanga sa pamamagitan ng inagurasyon ng kaniyang rebulto. (KLL)