Pilar Hidalgo-Lim
(24 Mayo 1893–8 Disyembre 1973)
Mahusay na lider sibiko, edukador, at tagapagsulong ng karapatan ng kababaihan,si Pilar Hidalgo (Pi·larI·dal·go) ay isinilang noong 24 Mayo 1893 sa Boac, Marinduque at pang-anim sa siyam na anak nina Luis Hidalgo at Eulalia Lardizabal. Sa Maynila siyá nag-aral ng elementaryaat segundarya. Nakilála agad ang kaniyang talino nang mag-tapos ng bachelor of arts, cum laude sa University of the Philippines, ang unang babae na gumradweyt nang may mataas na karangalan sa UP.
Pagkagradweyt, nagturo siyá ng matematika sa UP. Noong 1911, lumipat siyáng instruktor sa Centro Escolar University, naging sekretarya ng unibersidad, at noong 1962 ay naging pangulo ng CEU pagkamatay ni Carmen de Luna. Bago ito, noong 1917, ikinasal siyá kay Vicente Lim, ang unang Filipino na nagtapos sa West Point at magiging heneral na namatay sa pagtatanggol ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Marami siyáng hinawakang puwesto sa mga samahang sibiko. Naging pangulo siyá ng Girl Scout of the Philippines, pangulo ng Philippine Association of University Women, pangulo ng Philip- pine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled,miyembro ng kalupunan ng mga gobernador ng PNRC. Hinirang siyá ni Pangulong Osmeña na miyembro ng Relief and Rehabilitation Commission pagkatapos ng digmaan.
Si Pilar ay naging aktibong tagapamansag din ng mga karapatan ng kababaihan. Isa siyá sa mga tagapagtatag ng Council of Filipino Women na nanguna sa pakikipaglaban para sa karapatan ng kababaihan. Namatay siyá sa kanser noong 8 Disyembre 1973. (GVS)