hasà-hasà

Philippine Fauna, aquatic animals, fish, commercial fishing, fisheries

 

 

Ang hasà-hasà (Rastrelliger brachysoma) ay kabi-lang sa pamilyang Scombridae. Ito ay kilalá rin sa tawag na agumá-a, kabályas, at lúman. Ang hasà-hasà ay makikita sa Pasipiko na may lalim na 15–200 metro, mula sa dagat ng Adaman hanggang Thailand, Indonesia, Papua New Guinea, Filipinas, mga isla ng Solomon at Fiji. Ito ay mahalagang komersiyal na specie ng isda sa Filipinas.

 

Ang katawan ay napakalalim at ang lalim sa gilid ng talukap ng hasang ay umaabot sa 3.7–4.7 na beses ng habà ng sanga sa buntot. Ang súkat ng ulo ay katumbas o mas maliit kaysa lalim ng katawan. Ang nguso ay patulis. Ang panga ay binabalutan ng isang buto. May mahahabàng kalaykay sa hasang na makikita kapag ang bibig ay bukás. Ang likod na palikpik ay madilaw-dilaw na may itim sa gilid at may 8–11 tinik. May 13 bertebra bago sa buntot at 18 naman sa buntot. Ang tinik sa puwit ay hindi pa ganap na buo. Ang bituka ay napakahabà, 3.2–3.6 na beses ng habà ng sanga sa buntot. Ang palikpik sa pe-ktoral at katawan ay madilim samantalang ang ibang mga palikpik ay madilaw-dilaw.

 

Ang hasà-hasà ay matatagpuan sa estuwaryo at lugar na may temperatura ng tubig na 20° hanggang 30° senti-grado. Nagsasáma-sámang lumangoy ang mga isda na magkakasinlaki. Pinaniniwalaang ito ay nangingitlog mula Marso hanggang Setyembre. Kalimitang kinakain ay plankton.

 

Ang karaniwang habà nitó ay 15–20 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 34.5 sentimetro. Ito ay maaar-ing mahúli nang buong taon sa pamamagitan ng talakop, baklad, at pante. Ito ay ibinebenta nang sariwa, elado, de-lata, tuyo, inasnan, at pinausukan. Ang Filipinas ay isa sa mga bansang may malaking produksiyon ng hasà-hasà. Subalit ito ay nanganganib na maubos dahil sa mala-wakang paggamit ng makabagong teknolo­hiya at ilegal na pamamaraan ng pangingisda. (MA)

Cite this article as: hasà-hasà. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/hasa-hasa/