halaán

Philippine Fauna, aquatic animals, mollusk

 

 

Ang halaán o nylon shell (Paphia undulata) ay isang uri ng mollusk na may dalawang taklob na kabibe at naninirahan sa mababaw  na  bahagi  ng tubig-alat.  Mula ito sa pamilyang Veneridae o mas kilalá bilang Venus clams. Ang Venus clams ay isang malaking pamilya ng maliliit hang-gang malalaking alméha na naninirahan sa tubig-alat at karamihan ay maaaring kainin ng tao. Karaniwang may disenyong konsentriko at hugis na bilugan­ ang talukab nitó. May tatlo hanggang apat na ukà ito na nagsisilbing pinakangipin nito sa bawat balbula at maikling siphon, isang organong humihigop at nagbubuga ng tubig.

 

Ang genus na Paphia ay may talukab na pahabâ, manipis, at makintab ang rabáw. Ang halaán ay may masalimuot na disenyo ng talukab, tila sanga-sangang guhit ang makikita sa rabáw nitó. Karaniwang matatagpuan ang ganitong uri ng alméha sa karagatan ng Timog Silangang Asia at isang mahalagang­ lamandagat na ipinagbibili sa merkado. Sa Filipinas, ginagawa itong sopas, ginisa, adobo, at tinolang halaán. (KLL)

Cite this article as: halaán. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/halaan/

Related Articles