guyabáno

Philippine Flora, Fruits

 

 

Ang guyabáno ay kasáma sa pamilya ng Anonaceae. Ito ay isang uri ng punò at may bilugang mga bunga. Ang punò ng guyabano ay hindi hihigit sa pitóng metro ang taas. May hugis-itlog itong dahon, makinis, makintab at may sukat na 7–10 sentimetro ang habà. Ang bulaklak naman nitó ay nagdidilaw hanggang berde ang kulay. Ang halamang guyabano ay itinatanim at pinapayabong bilang isang komersiyal na pananim dahil sa prutas nitóng may timbang na aabot sa 2.5–5 kilo ang bawat isa. Angkop itong itanim sa mga lugar na may mataas na halumigmig at relatibong katamtamang lamig ng panahon.

 

Ang prutas ng guyabáno ay malaki, hugis itlog, o kayâ bilugan. Magaspang ngunit manipis ang balát ng prutas ng guyabano na may kalat-kalat na mga malambot na parang tinik. Ang loob ng prutas nitó ay may mga ma-putî, matamis, at malaman na mga pulpo. May pag-kamaasim na matamis ang lasa nitó kapag kinain. Masarap ding gawing inumin ang guyabano. Malalaámang hinog na ang prutas ng guyabano kung ito ay malambot na kapag hinawakan at ang kulay ng balát nitó ay mapusyaw na dilaw. Ang prutas na ito ay mataas sa karbohaydreyt partikular na sa fructose . Ito ay naglalaman din ng mga bitamina C, B1 at B2. Nagkaroon na din ng pag-aaral na pinatutu-nayang ang guyabano ay may kemikal na mas mabisà bilang chemotherapeutic na gamot.

 

Ang guyabano ay nagmula sa America. May iba’t ibang tawag din sa guyabano, gaya ng “atti,” “babana,” “bayuba-na,” “guabana,” “guiabano,” at “labanus.” (ACAL)

Cite this article as: guyabáno. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/guyabano/