Guwardíya Sibíl

Ang guwardíya sibíl (guardiacivil) ang katumbas ng pulis ngayon. Miyembro ito ng isang hukbong militar na binuo noong 1869. Ang hukbo ay binuo ng umaabot sa 4,000 Filipino sa ilalim ng mga opisyal na Español.Isinunoditosa isang hukbong may gayon ding pangalan sa España at may mga tungkuling pampulisya—ang pangangalaga ng kaayusan sa mga bayan, pagbabantay sa mga lansangan,at pagtugis at pagdakip sa mga kriminal. Mahusay sa simula ang hukbo ngunit sinapian ng korupsiyon hanggang maging higit na bantog sa mga pag-abuso sa karaniwang mamamayan at tahasang pagnanakaw. Sa mga nobela  ni Rizal ay itinanghal ang mga guwardiya sibil na utos-utusan ng mga opisyal, walang pakundangan sa mahirap na mamamayan, gaya ng ginawa niláng pagdakip kay Sisa, at lubhang mararahas kayâ kinatatakutan ng taum bayan ngunit hindi  iginagálang.

Malimit din itong tawagin at maipagkamali sa mga “kasadores” (cazadores) namiyembro ng hukbong militar na tinatawag noong tropa ligera, ang pangkat na si nanay sa isahang pagkilos at  pakikipaglaban.  Bantog ding abusado ang kasadores. Sa isang tula ni Bonifacio, inisa-isa niya ang mga ginagawang pandarambong ng kasadores sa halip na magpanatili ng kaayusan at kapayapaan. Halimbawa  diumano:

Buong kabahayan ay sinasaliksik, Pilak namakita sa bulsa ang silid; Gayon ang alahas at piniling damit Katulad ay sisiw sa limbas dinagit.

Sa dulo ng tula, nilaro ni Bonifacio ang pangalan ng mga sundalo. Sa halip na cazadores ay dapat daw tawaging sacadores (“mangungulimbat”) ang mga naturang alagad ng militar. (VSA)

Cite this article as: Guwardiya Sibil. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/guwardiya-sibil/