Guhò ng Simbáhang Guiob
Ang Guhò ng Simbáhang Guiob (Gí·yob) ay labí ng isang lumang simbahan sa Barangay Bonbon, bayan ng Catarman, islang lalawigan ng Camiguin, na giniba ng pagputok ng Bundok Vulcan noong 1871. Ginawa ang simbahan mula sa mga batong bangkota noong ika-16 siglo, at sa ngayon ang kampanaryo, bahagi ng kumbento, at mga pader na lámang ang natitira sa gusali.
Sinasabing pumutok ang bulkan noong takipsilim ng 13 Mayo 1871, at ang dáting kabisera ng Camiguin, ang Cotta Bato,ay tuluyang nagiba. Daan-daang tao ang namatay. Ang nalalabing ilang tipak ng bato ng simbahan, kung gayon, ang nalalabi na ring gunita ng buong bayan.
Bílang isa sa mga natatangi at pinakamatandang gusali sa isla, nagsisilbi ang guho bilang atraksiyong panturista. Pinangangasiwaan ito ng lokal na pamahalaan. Walang bayad ang pagpasok at hinikayat lámang ang mga bisita na magbigay ng donasyon. May baluti ng lumot ang mga bato at inangkin na ng lungti ang itim at kulay-abong edipisyo. Isang kapilya ang itinayô sa loob ng guho at patuloy pa ring nagdaraos ng mga misa dito.(PKJ)