Gúhit-Batóng Angóno

 

 

 

Ang kauna-unahang natagpuang gúhit-bató o petroglyph (pé·tro·glíf ) sa Filipinas ay nása isang yungib sa Angono, lalawigan ng Rizal. Tinatayàng may 127 guhit ng tao ang makikita sa pader ng mababaw na kuweba Natuklasan at pinag-aralan ito ng mga kinatawan ng Pambansang Museo ng Filipinas noong 1965.

Batay sa arkeolohikong pag-aaral, iginuhit ng mga katutubong Filipino ang mga ito sa kuweba sa magkakaibang pagkakataón sa loob ng mahabàng panahon. Wala ring patunay na may kaugnayan ang mga guhit sa isa’t isa, manapa ’y  posibleng umuukit ng bagonglikha ang mga tao kung saan may libreng espasyo. Ang mga guhit ay inukit sa pader ng kuweba gamit ang piraso ng bato.Iba’t ibaang kalagayan ng mga ito: may mga ukit na may lalim na 10 sm at mayroon din namang mababaw at malabò na. Gayunman, makikita na ang dominanteng disenyo ng mga katutubong Filipino ay ang bilugang ulo na mayroon o walang leeg at nakapatong sa katawan na parihaba o “V”. Kadalasang iginuguhit ang braso at binti na nakabaluktot. Bukod dito, nakaukit din ang iba’t ibang hugis katulad ng tatsulok, parihaba, at bilog.

Ang sining sa bato ay iniugnay sa paniniwalang isang natatanging grupo ng tao. Ito ay simbolo na maaaring may kinakatawan o mas malalim na kahulugan kaysa simpleng dekorasyon lamang. Napaulat na may petroglyph din sa kuwebang Peñablanca sa Cagayan; sa mga nakausling bato sa Alab, Bontoc sa Mt. Province; at sa kuweba sa Singnapan sa Ransang Palawan. Bagama’t iilan pa lamang ang natutuklasang ganitong mga likha, patunay ito ng sinaunang kamalayan sa sining ng katutubong Filipino.(JM)

 

 

Cite this article as: Guhit-Batong Angono. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/guhit-batong-angono/

Related Articles