Antonino M. Guevara
(namatay sk 1898)
Mariwasang may-ari ng lupain ngunit nakatikim ng panggigipit ng mga Español, si Antonino M. Guevara (An·to·ní·no Em Ge·vá·ra) ay aktibong organisador ng Katipunan sa Laguna hanggang sa Digmaang Filipino-Americano. Isinilang si Antonino sa San Pedro Tunasan, ang unang pueblo sa lalawigan ng Laguna at nag karoon ng lupain doon. Dahil sa panggigipit ng mga Español,iniwan niya ang lupain noong 1897 para matahimik sa Muntinlupa. Ngunit inakusahan naman siyáng nagbabasá ng Noli me tangere at tagapagtaguyod ng La Solidaridad ng fraileng si Padre Jose Rodriguez.
Totoo naming sumapi na siya sa Katipunan noong 7 Agosto 1896, sa tulong ni Mariano Crisostomo. Nang matuklasan ang Katipunan, nása pulong siyá sa Trozo, Maynila at noong 25 Agosto ay lumahok sa engkuwentro sa Pasong Tamo.Nakatakas siyá at ikinalat ang balita para sa sabay-sabay napag-aalsa sa 29 Agosto mulang Pasig hanggang Laguna. Itinatag niya ang sangay na “Katipunang Matatag” at nagging alyas ang “Matatag.” Nang malamang dadakpin siyá, at mabalitaan ang tagumpay sa Cavite, pumunta siyá sa kampo si Aguinaldo. Noong Disyembre 1896, siyá at mga alagad niya ay kinatulong ni Heneral Crispulo Aguinaldo sa pa- ghukay ng mga trintsera sa pagitan ng Muntinlupa at San Pedro Tunasan.Noong 1897, naglingkod siyá sa kampo ni Bonifacio sa Indang, Cavite at naging tagahatid liham ng Supremo. Kasáma siyá ni Bonifacio nang dakpin ito at noong 3 Mayo 1897 iniliham niya kay Emilio Jacinto ang naganap na mga kataksilan laban sa Supremo pati ang kaniyang pasiya na maglingkod kay Heneral Paciano Rizal sa halip na sa mga Magdalo.
Marami siyáng ginawang mapanganib na misyon para sa Himagsikan. Noong 22 Mayo 1898, isa na siyáng koronel at kasáma siyá ni Paciano sa pangkalahatang miting sa Biñan upang salakayin ang mga bayan sa paligid. Bago matapos ang buwan, bumagsak ang Biñan, Sta Cruz, Cabuyao, at Calamba. Sinalakay nilá ang Lipa, Batangas at nagtagumpay noong 18 Hunyo 1898. Napalaya nilá ang maraming lugar bago iproklama ang kalayaan sa Kawit.
Nadestino si Koronel Guevara kay Heneral Lucban at ipinadalá sa Nueva Caceres. Naglingkod siyá sa kagawarang pampananalapi sa Ambos Camarines. Walang malinaw na ulat hinggil sa kaniyang kamatayan. (GVS)