Wilfrido Ma. O. Guerrero
(22 Enero 1911–28 Abril 1995)
Isang batikang mandudula, aktor, at direktor sa teatro si Wilfrido Ma. O. Guerrero (Wil·frí·do Ma·rí·ya O Ge·ré·ro). Nagsilbi siyáng katuwang na propesor sa drama sa Unibersidad ng Pilipinas (1947) dahil sa natatanging husay niya sa larangan kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ang Teatrong Wilfrido Ma. Guerrero ng UP Diliman ay ipinangalan sa kaniya habang siyá ay nabubuhay pa. Postumong iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1997.
Ang UP Mobile Theater na binuo at idinirihe niya mula noong 1962 ay nakapagtala ng mahigit 2000 pagtatanghal sa iba’’t ibang dakong Filipinas. Nailantad ang bansa sa de-kalibreng dulaan at nagpasulpot ng mga artista ,direktor, at mga alagad ng entablado at puting-tábing na tatangan ng papel bilang mahalag ang bahagi ng ubod ng teatro at pelikulang Filipino.
Nagsimula siyáng magsulat ng dula sa wikang Ingles noong 1934 hábang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang “Half an Hour in a Convent” ang kaniyang unang dulang Ingles. Mahigit sa 100 dula ang naisulat ni Guerrero,kabilang ang:“ Women are Extraordinary ”(1937), “Hate Begins” (1938), “Romance in B. Minor” (1939), “Movie Artists” (1940), “Forever” (1941),“Condemned” (1944), “Frustrations” (1944), “Wow These Americans” (1946), “Perhaps” (1947), “Three Rats” (1948), “Deep in My Heart” (1951), “In Unity” (1953), at “Our Strange Ways” (1953). Ginawaran siya ng Gawad Rizal Pro-Patria (1961),Gawad Araw ng Maynila (1969), at ng Republic Cultural Heritage Award (1972).
Nagmula sa angkang Guererro na prominente sa larangan ng kultura sa Filipinas, ipinanganak siya noong 22 Enero 1911 kinaDr. Manuel S. Guerrero at Eliza Ocampo. Ang kaniyang ama ay doktor ng mayayamang pamilya sa Maynila at isa sa mahuhusay na manunulat ng sanaysay. Tiyuhin niya ang makatang si Fernando Ma. Guerrero na itinuturing na prinsipe ng lirikong tula sa Español. Pinsan niya sina Leon Ma. Guererro III, ang magkapatid na makatang sina Nilda Guerrero-Barranco at Evangelina Guerrero-Zacarias, at manunulat na si Carmen Guerrero-Nakpil. Namatay siyáng retirado sa isang bahay sa UP Diliman noong 28 Abril 1995. (RVR)