Joaquin Gonzalez

(22 Hulyo 1853–21 Setyembre 1900)

Mahusay na doktor at rektor ng Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas, ang unang paman- tasan ng estado sa Filipinas, isinilang si Joaquin Gonzalez (Hú·wa·kín Gon·zá·lez) noong 22 Hulyo 1853 sa Baliuag, Bulacan kina Fausto Gonzalez, anak ng isang opisyal na Español, at Maria Amparo Angeles, isa ring anak mayaman.

Pagkatapos ng batsilyer sa Colegio de San Juan de Letran noong 1872, nag-aral siyá ng medisina sa España. Nakuha niya ang lisensiyado sa Universidad de Valladolid at ang doktorado sa Universidad Central de Madrid. Naglakbay siyá sa Europa bago umuwi at nagbukás ng klinika sa Binondo, Maynila at sa Baliuag. Sa edad na 30 taón, pinakasalan niya si Florencia Sioco, anak nina Jose Sioco ng Bocaue, Bulacan at Matea Rodriguez ng Bacolor, Pampanga. Hindi nagtagal, lumipat siláng mag-asawa sa Sulipan, Apalit, Pampanga at naging huwes doon siya noong 1896.

Nang itatag ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas noong 19 Oktubre 1898, hinirang siyá ni Pangulong Aguinaldo na rektor nitó. Nagturo din siyá sa unibersidad ng medisinang legal. Sa Kongresong Malolos, nahalal siyáng isa sa dalawang delegado ng Pampanga.  Kung tutuusin, pinalitan ang Universidad  Cientifico-Literaria de Filipinas noong 1908 ng University of the Philippines bilang pamantasan ng estado. Naging ikaanim na pangulo ng UP ang anak niyang si Bienvenido at naging rehente nitó ang apó niyang si Gonzalo.

Sa ilalim ng mga Americano, hinirang siyáng tagapangulo ng lupon sa serbisyo sibil kasáma ang dalawang Americano. Ngunit hindi siyá nakapaglingkod dahil sa biglang pagkamatay sa apendisitis noong 21 Setyembre 1900. Isang marker ang itinayô ng National Historical Institute para sa kaniyang alaala sa Baliwag. (GVS)

Cite this article as: Gonzalez, Joaquin. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/gonzalez-joaquin/