Gólpong Lingayen
Ang Gólpong Lingayen (Líng·ga·yén) ay isang lawas ng tubig sa kanlurang bahagi ng isla ng Luzon, sarehiyong Ilocos. Karugtong nitó ang Dagat Kanlurang Filipinas at may habang 56 km. Pinaliligiran ito ng mga lalawigan ng Pangasinan at La Union, at ng mga bulubunduking Cordillera at Zambales. Dito bumubuhos ang Ilog Agno, ang isa sa pinakamalaking ilog sa bansa. Matatagpuan sa golpo ang maraming pulo, at ang pinakatanyag sa mga ito ay ang tinatawag na Hundred Islands sa kanlurang Pangasinan. Marami sa mga pulong ito ay maliliit ngunit may iilan ding malaki, tulad ng Cabarruyan at Santiago. Kilalá din ang golpo para sa ilang bahagi ng dalampasigan nitóng mababaw ang tubig, tulad ng sa bayan ng Bolinao.
Ang Lungsod Dagupan sa Pangasinan at Lungsod San Fernando sa La Union ang mga pangunahing pantalan sa golpo, at dito rin matatagpuan ang kabisera ng Pangasinan, ang bayan ng Lingayen. Malaking bahagi ng kabuhayan ng mga pamayanan sa golpo ay pangingisda at paggawa ng asin; sa katunayan, sa asin hinango ang pangalan ng Pangasinan at nanatiling tatak ng identidad ng lalawigan. Matatagpuan din sa pampang ng golpo ang Sual Power Station, ang pinakamalaking planta ng coal sa Filipinas.
Dahil sa mga pantalan at baybaying mainam daungan, ng barko, hindi nakapagtatakang mahalaga ang mga ito sa panahon ng digmaan. Halimbawa, naging saksi ang Golpong Lingayen sa paglusob ng mga puwersa ng Americano, Australian, at Filipino sa mga bayan ng Lingayen at San Fabian. Pagkatapos ng masusing tagumpay at pagpa-palayàng golpo mula sa mga mananakop na Japanese, ginawang supply depot ang golpo bilang suporta sa Labanang Luzon. (PKJ)