Gobernadór-Henerál

Tanatawag na gobernadór-henerál ang pinakamataas na opisyal sa Filipinas sa panahon ng pananakop ng mga Español. Nagtataglay siyá ng tatlong titulo: gobernador-heneral,    presidente, at kapitan-heneral. Bílang “kapitán-henerál,” siyá ang pinunò ng hukbong katihan at hukbong-dagat. Siyá rin ang “president” ng audiencia, ang kataas-taasang hukuman noon. Gayunman, sa kaniyang kapasidad bilang presidente, tanging pagdalo lámang sa mga deliberasyon bílang kinatawan ng hari ang kaniyang maaaring gawin. Wala siyáng kapangyarihang  makisali sa mga diskusyon at impluwensiyahan ang desisyon ng mga oidores—ang mga miyembro o tagadinig ng mga kaso sa audiencia. Bukod sa mga nabanggit, may kapangyarihan din siyá bilang vice-real patron na magtalaga ng mga misyonero o fraile sa simbahan. Sa teorya, ang gobernador-heneral ay nása ilalim ng kapangyarihan ng viceroy ng Mexico, ngunit sa praktika, ang kaniyang pananagutan ay direkta sa hari ng España at sa Consejode las Indias, isang tanggapan na nangangasiwa at katuwang ng hari sa pamamahala ng kaniyang mgakolonya.

Ilan sa kaniyang mga tungkulin ay ang pangangasiwa sa pagbebenta ng mga lupaing publiko at distribusyon ng residensiyal na lupain; pagsasagawa ng sensus at tiyaking sapat ang pagkain at ibang mga probisyon; pamahalaan ang gawaing-pambayan; panatilihin ang kapayapaan at kaayusan; at tingnan ang gawain ng mga mas mababàng opisyal. Kapalit ng kaniyang mga serbisyo, tumatanggap siyá ng suweldo, na may panahong umaabot sa 40,000 piso santaon. Si Miguel Lopez de Legazpi ang unang na- nungkulang  gobernador-heneral.

Gobernador-heneral din (governor-general sa Ingles) ang tawag sa pinakamataas na pinunò ng pamahalaang  Americano sa Filipinas simulang 6 Pebrero 1905. Bago ito, nagdaan ang Filipinas sa isang pamahalaang militar sa ilalim ng isang gobernador militar. Nanungkulang gobernador militar sina Hen. Wesley Merritt, Hen. El- well Otis, at Hen. Arthur MacArthur hanggang 1901 nang itatag ang gobyernong sibil. Si William  H Taft angunang gobernador sibil. Si Luke Edward Wright ang unang gobernador-heneral na Americano. Hawakng gobernador-heneral ang pinakamataas na kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Napunta ang ka- pangyarihang lehislatibo sa Philippine Assembly, na binubuo ng mga inihalal na delegadong Filipino, nang itatag ito noong 16 Oktubre 1907. Samantala, nawala ang gobernador-heneral nang itatag ang Komonwelt noong  15 Nobyembre  1935. (LN)

Cite this article as: Gobernador-Heneral. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/gobernador-heneral/