Anastacia Giron-Tupas
(24 Agosto 1890–28 Setyembre 1972)
Si Anastacia Giron-Tupas (A·nas·tás·yaHi·rónTú·pas) ang unang Filipinong punòng nars at superintendente sa Philippine General Hospital School of Nursing. Sa kaniyang inisyatiba nabuo ang mga pamantayan para sa mga paaralang nursing at naitaas ang kalidad ng mga gradweyt ng narsing.
Ipinanganak siyá sa Laoag, Ilocos Norte noong 24 Agosto 1890 at nagtapos sa PGH School of Nursing noong 1912. Nagtungo siyá sa University of Pennsylvania at tumanggap ng sertipiko sa pampublikong narsing. Paglipas ng panahon, tinanggap niya sa UP ang mga digri na batsilyer at masterado sa edukasyon at MA sa narsing. Noong 1917, nahirang siyáng unang Filipinong punòng nars at superintendente sa PGH. Hinawakan niya ang tungkuling ito hanggang 1923. Sapanahong ito, nangampanya siyá para sa pagtataas ng istandard sa narsing bilang propesyon. Isang panukalang-batas ang inihanda ng kaniyang grupo para sa sistematisasyon ng edukasyon para sa mga nars at pinagtibay ito ngLehis- latura noong1919.
Napangasawa niya ang bantog ding pedyatrisyan na si Dr. Alberto Tupas at nagkaroon sila ng apat na anak. Isa ang piyanista at ginawaran ng TOYM na si Benjamin Tupas.
Noong 1919, nagsimula siyáng magsilbing sekretarya tesorera ng Board of Examiners for Nursing. Noong 1929, hinirang siyáng direktor ng UP School of Public Health Nursing. Sa pagsisikap niya, ang UPSPNH ay naging pangunahing paaralan sa narsing sa buong bansa at nakabuo ng unang kurikulum para sa BS Nursing. Nagtapos noong 1947 ang unang klase ng naturang kurikulum. Itinatag niya ang Philippine Nurses Association noong 1922 at siyá ang unang pangulo. Nagsulat din siyá ng mga artikulo hinggil sa narsing at noong 1959 ay nagkamit ng medal of merit mula sa Pangulo ng Filipinas.
Bilang parangal sa kaniya, ang Outstanding Achievement Award ng Philippine Nursing Association ay ginawang Anastacia Giron-Tupas Award ”bukod sa tinawag siyáng “dean of nursing ”sa Filipinas. Namatay siyá noong 28 Setyembre 1972 at isang marker ang inaalay para sa kaniya sa harap ng kapitolyo ng Laoag noong 1985.(ABSM)