Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan

Ang kandít ay sinaunang paha na ikinakabit nang paikot sa baywang na tulad ng sinturon. Bahagi ngayon ng koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ng Pilipinas at na- katanghal sa Metropolitan Museum of Manila sa Malate, Maynila ang mga kandít at sinturon na gawa sa ginto. Nahukay ang mga ito sa Butuan, Surigao at tinatayàng ginawa noong ika-10 hanggang ika- 13 siglo. Isa sa kandít ang may súkat na 150.00 x 2.70 x 2.40 sentimetro at may timbang na 3,860.00 gramo. Ang isang sinturon ay 68.20 x 4.90 sentimentro at tumitimbang nang 575.10 gramo. Katangi-tangi din ang mga piyesang ito dahil sa marikit na disenyong hindi pa nakikita sa ibang piraso ng ginin- tuang artifact sa Asia.

Itinuturing ng mga arkeologo na mahalaga ang Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan dahil nagpapatunay ang mga ito sa dalawang bagay. Una, na may sinauna’t ma- siglang industriya ng ginto sa Filipinas; ikalawa, na sentro ang Butuan ng aktibong kalakalang rehiyonal. Ginto ang isang pangunahing kalakal ng mga Filipino at dinadayo  ng mga manlalakbay na Tsino noong ika-10 siglo. Sinasabing ang pinunò ng Butuan noong ika-11 na si Kiling ay nakipagkasundo ng direktang kalakalan sa korteng im- peryal ng China.

Ang koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ay may iba pang sinaunang hiyas at ornamentong ginto. Kabílang dito ang gintong hebilya mulang Hilagang Silangang Mindanao. May malakorona ding pútong ng babae, hikaw, kuwin-  tas, mga pulseras sa bisig at binti, balaraw, at puluhan ng kampilan. (VSA)

Cite this article as: Gintong Kandit at Sinturon ng Butuan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/gintong-kandit-at-sinturon-ng-butuan/