Vicente Garcia

(5 Abril 1817–12 Oktubre 1899)

Isang makabayang pari si Padre Vicente Garcia (Vi·sén·te Gar·sí·ya), at nakilála dahil sa kaniyang inilathala at  magit- ing na pagtatanggol sa Noli Me Tangere ni Rizal laban sa akusasyon ng mga fraile.

Ipinanganak si Padre Garcia noong 5 Abril 1817 sa baryo Maugat (na sakop noon ng Rosario, Batangas) kina Don Jose Garcia at Donya Andrea Teodoro. Mariwasa ang kaniyang pamilya at may dugong Español, mga sanhi kung bakit nakapasok siyá sa pagpapari noong panahong iyon. Ga- yunman, dumanas pa rin siyá ng pang-aapi dahil may dugong Indio. Nominado siyáng canonigo magistral ngunit ipinagkait ang posisyong ito sa kaniya ng kaniyang mga superyor na Español. Mahusay siyá sa Español at Latin at nagsalin ng mga akda mula sa naturang mga wika. Isa sa naging popular ang salin niya ng Imitacion de Cristo.

Ngunit umiral ang kaniyang pagiging Filipino nang batikusin si Rizal dahil sa nobelang Noli me tangere. Isang masigasig na kritiko ni Rizal ay si Fray Rodriguez, isang Agustino,  at  ipinahayag  nitóng  “erehe”  at  laban  sa  relihiyon at España ang nobelista. Bagaman pari, kauna- unahang nagtanggol kay Rizal si Padre Garcia. Isang liham ng pagtatanggol ang ipinadalá niya’t nalathala sa La Solidaridad noong 15 Marso 1896 sa ilalim ng alyas na “V. Caraig.” Sinuri niya ang nobela upang itanghal ang kabaligtaran ng mga akusasyon ni Fray Rodriguez.

Umuwi si Padre Garcia sa Rosario noong 1899 at namatay ng Hulyo sa gulang na 82 taón. Noong 12 Hulyo 1999, ang labí niya ay hinukay at muling inilibing sa simbahan ng Santo Rosario sa poblasyon ng bayang ipinangalan sa kaniya. Ang kaniyang baryo Maugat at iba pang barangay sa tinatawag na Lumang Bayan ng Rosario ay inihiwalay sa Rosario at tinatawag ngayong Padre Garcia. (GVS)

Cite this article as: Garcia, Vicente. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/garcia-vicente/