Teofilo Garcia
Si Teofilo Garcia (Te·o·fi·ló Gar·sí·ya) ang kinikilálang pangunahing manlilikha ng “tabúngaw” sa Abra at dahil dito’y binigyan ng Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) nitóng 2012.
Si Teofilo ay isang magsasaka at ito ang ibinuhay niya sa pamilya hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, kapag nakatapos sa mga gawain sa bukid, inaasikaso niya ang pagtatanim ng tabúngaw, isang uri ng úpo na pabilog ang hugis, at ang paglikha ng pútong na tinatawag ding tabúngaw ng mga Ilokano. Natutuhan niya sa kaniyang ingkong noong labinlimang taóng gulang pa lámang siyá ang sining ng paglála ng basket at paglikha ng tabungaw. Ngunit sa paglipas ng panahon ay napabantog ang pútong ni Teofilo. Sa lahat ng mga manggagawa ng tabungaw sa bayan ng San Quintin, Abra ay itinuturing na pinakamakinis at pinakamatibay ang gawa niya.
Waring ipinagmamalaki naman niya ang bagay na ito. Siyá mismo ang modelo sa paggamit ng tabungaw. Lagi siyáng may suot na tabungaw paglabas ng bahay at lalo na kapag may kailangang gawin sa poblasyon ng San Quin- tin. Kumalat sa ibang bayan ang kaniyang reputasyon at ngayon ay hindi nagkukulang sa 100 piraso ng kasuotang pangulo ang kailangan niyang gawin taon-taon.
Hindi naman siyá naghihinto sa pag-iisip ng pagbabago sa kaniyang likha. Halimbawa, nag-umpisa siyá sa paggamit ng nitò bilang dekorasyon sa gilid ng tabungaw. Nang mamatay ang kaniyang pinsan sa Cagayan at humirap ang suplay ng nitò ay nagpasiya siyáng mag-eksperimento sa nilapát na kawayan. Nakaimbento pa siyá ng gadyet para sa pantay at makinis na paghimay sa kawayan, alinsunod sa kaniyang pangangailangan. May iba-iba rin siyang disenyo para sa nilálang panloob na bahagi ng tabungaw. Nitóng 8 Nobyembre 2012, sa isang seremonya sa Malacañang ay iginawad kay Teofilo ang Gawad Manli- likha ng Bayan. (VSA)