Patrocinio Gamboa

(30 Abril 1865–24 Nobyembre 1953)

Tinawag na “Bayani ng Jaro,”  ipinanganak  si  Patrocinio Gamboa (Pat·ro·sín·yo Gam·bó·a) sa Jaro, Iloilo noong 30 Abril 1865 kina Fermin Gamboa at Leonila Villareal. Dahil anak na babae ng isang mariwasang pamilya, nag-aral siyá sa mga priba- dong guro, kinikilálang reli- hiyosa ngunit may malayàng pag-iisip.  “Tiya  Patron”  ang palayaw sa kaniya. Sinundan niya ang mga sinusulat ng mga Propagandista at binása ang mga nobela ni Rizal.

Nang sumiklab ang Himagsikang 1896 ay 31 taóng gu- lang na siyá. Sumáma si Tiya Patron sa mga lider mang- hihimagsik sa kaniyang lalawigan. Naging aktibo siyá sa Comite Conspirador na itinatag sa Molo, Iloilo noong Marso 1898 at pinalaki bílang Comite Central Revolu- cionario de Visayas sa pamumunò ni Roque Lopez. Si Tiya Patron at ilang kababaihan ang tumahi ng watawat  ng Filipinas na iwinagayway sa pasinaya ng pamahalaang rebolusyonaryo sa Visayas noong 17 Nobyembre 1898. Isinunod niya ang mga simbolo ng watawat sa tinahi ni Marcela Agoncillo.

Bukod sa mapanganib na pagdadalá ng watawat  mu-  lang Molo hanggang Santa Barbara, tinupad ni Tiya Pa- tron ang maraming tungkulin bílang espiya at tagahatid mensahe ng rebolusyon. Malaking tulong ang kaniyang reputasyon bílang anak mayaman. Nangolekta din siyá   ng salapi, pagkain, gamot, at armas. Alam ng mga lider rebolusyonaryo ang mga naturang serbisyo. Kayâ noong 1901, pagkatapos ng digma, may resolusyong bigyan siyá ng pensiyon ng gobyerno ngunit magalang niyang tinang- gihan. “Naglingkod ako,” wika niya, “dahil mahal ko ang aking bayan. Hindi ako naghihintay ng kabayaran sa ak- ing paglilingkod.”

Hitik sa mga memorabilyang Filipino ang kaniyang ba- hay. Kapag Araw ni Rizal, Araw ng Kasarinlan, at iba pang makabayang pista, siyá ang unang nagtatanghal ng wa- tawat sa kaniyang harap ng bahay. Namatay siyáng soltera noong 24 Nobyembre 1953.  (GVS)

Cite this article as: Gamboa, Patrocinio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/gamboa-patrocinio/