Magdaléna Gamáyo
Mahigit pitóng dekada nang naghahabi ng tela si Magdaléna Gamáyo ng Pinili, Ilocos Norte, nanlalabo na ang kaniyang paningin, ngunit itinuturing pa rin siyáng pinakanatatanging manghahabi sa abél ngay- on. Dahil dito, ibinigay sa kaniya nitóng 2012 ang Ga- wad Manlilikha ng Bayan (GAMABA).
Labing-anim na taóng gu- lang si Magdalena nang magsimulang mag-aral maghabi sa tulong ng kaniyang tiya. Hindi siyá pormal na nag-aral ng naturang tradi- syonal na sining. Sa halip, nagmasid-masid lámang siyá sa paggawa ng tiya at sakâ paggaya sa mga padron ng hábi nitó. Ibinili siyá ng kaniyang ama ng abel na gawa sa matigas na sággat noong 19 taóng gulang siyá, at ito ang kaniyang naging habihan sa loob ng 30 taón. Naging dalubhasa si Magdalena sa mga tradisyonal na padron ng “binakól,” “inuritan,” at “kusikos.” Ngunit higit siyáng kahanga-hanga sa padron ng “inuban nga sabong.” Hinangaan ang kaniyang mga inabel dahil sa maselang mga padron at makinis na hábi.
Ngayon at sa gulang na 88 taón, may dalawa siyáng estudy- ante, ang manugang ng kaniyang pinsan at ang kaniyang sariling manugang na babae. Itinuro muna niya sa dalawa ang payak na binakol. Pagkatapos humusay sa naturang padron ay ipinagawa niya ang ibang mga disenyo. Nitóng 8 Nobyembre 2012, sa isang seremonya sa Malacañang ay ibinigay kay Magdalena ang Gawad Manlilikha ng Bayan. Inaasahang darami pa ang kaniyang magagabayan hábang nabubúhay. (VSA)