Felix Galura
(21 Pebrero 1866–21 Hulyo 1919)
Si Felix Galura (Fé·liks Ga·lú·ra) ay isang kalahok sa Himagsikang Filipino at isang bantog na manunulat sa Pampanga. Isa siyá sa mga pinakamahusay na produkto ng panitikang Kapampangan. Kilalá siyá bilang isa sa mga pangunahing mandudula ng Gitnang Luzon at “Ama ng Balarilang Kapampangan.”
Isinilang siyá noong 21 Pebrero 1866 sa Bacolor, Pampan- ga. Noong 4 Hunyo 1898, sa Escuela de Artes y Oficios de Bacolor, pinamunuan niya kasáma sina Paulino Lirag at Alvaro Panopio ang Voluntarios Locales de Bacolor laban sa pamahalaang kolonyal. Sinunog nilá ang kapitolyo ng lalawigan, ang Casa Real, at pinaslang ang mga Español, kasadores, at taga-Macabebe na panig sa mga mananakop. Pinakawalan din nilá ang mga bilanggo. Itinuturing ito na “Unang Sigaw ng Himagsikan sa Pampanga,” at maaaring siyáng batayan ng pinakamahusay na dula ng Kapampan- gang mandudula na si Mariano Proceso Byron, ang “Apat Ya Ing Junio.”
Bílang manunulat, ginamit niya ang sagisag-panulat na “Flauxgialer.” Si Galura ang isa sa tatlong pangunahing dramatista ng Bacolor; kasama niya sina Byron at Juan Crisostomo Soto (kilala bilang “Crissot”). Pinasimulan nilá, kasáma ang iba pang tanyag na Kapampangang manunulat tulad ni Aurelio Tolentino, ang itinuturing na “Gintong Panahon ng Panitikang Kapampangan” na nagtanghal ng mga Kapampangang sarsuwela. Maitutur- ing na pusod nitó ang Teatro Sabina, isa sa pangunahing tanghalan noon sa lalawigan, at nakalagay ang pangalan ni Galura sa arko ng proscenium nitó bilang pagkilála sa kaniyang mga ambag.
Noong 1906, sumulat siyá ng isang nobenang dasal, ang “Pamagsiam King Ikarangal Ning Ginu Tang Virgin Karin Lourdes.” Noong 1915, isinulat niya ang “Ing Kabiguan” (Ang Kabiguan) na tungkol sa isang pag-aaklas laban sa mga Español. Itinatag niya ang Ing Alipatpat, isang ling- guhang publikasyon sa Pampanga. Noong 1916, sumulat siyá ng aklat tungkol sa balarila, ang Sanayan o Malaguang Pipagaralan qng Amanung Castila Agpang qng Gramatica(Mga Pagsasanay sa Madaling Paraan ng Pag-aaral ng Wi- kang Español Gamit ang Balarila). Dahil sa akdang ito, kinikilala siyá bilang “Ama ng Kapampangang Balarila.” Ilan sa iba pa niyang obra ay ang Ing Babaying Panguingera (Ang Babaeng Pangginggera), Ing Mora (Ang Babaeng Muslim), at Ing Singsing a Bacal (Bakal na Singsing), isang pagsasaling ginawa kasáma si Soto. Pumanaw siyá noong 21 Hulyo 1919. (PKJ)