galunggóng

Philippine Fauna, aquatic animals, fish, commercial fishing, fishing, fishery

 

 

Ang galunggóng ay nabibílang sa pamilya Carangidae at ang pinakamaraming uri ay nása grupo ng Decapterus. Matatagpuan ang isdang ito sa kanluran ng Indo-Pacifico at sa silangang bahagi ng Pacifico at Africa. Nagsasáma-sámang nananahan malapit sa ilalim ng dagat ang mga galunggóng at nanginginain ang mga ito sa ibabaw ng ba-hura at sa mga mabuhanging lugar.

 

Payat at medyo pabilog na tila hugis tabako ang katawan ng galunggóng. Malaberde o kumikinang na asul ang ku-lay ng likod nitó, samantalang kulay pilak o maputî ang tiyan. Malimit na may maliliit at itim na batik ang ta-lukab ng hasang, may mga tinik ang palikpik sa likod at puwit, at kadalasang may dilaw na linya sa katawan mula ulo hanggang buntot. Kapag nása tamang gulang para magparami, maaari itong mangitlog pagkalipas ng 10–12 buwan. Nangingitlog ito sa buong taon at ang mga itlog ay nagpapalutang-lutang bago mapisa.

 

Maraming uri ng galunggóng at ang isa sa mga kilalá at ginagamit sa komersiyo ay ang Decapterus macrosoma. May karaniwang habà na 25 sentimetro ang ganitong uri ng galunggóng at ang pinakamalaking naitalâ ay umaabot ng 35 sentimetro. Nakalukong palikod ang hulihan ng ibabaw ng panga nitó at may nakausling pabilog. Mas payat ito kompara sa ibang uri ng galung-góng. Hinuhúli ito sa pamamagitan ng basnig, pan-gulong, pante, galadgad, at bundak. Sa Filipinas, ang mga tradisyonal na lugar para manghúli ng galunggóng ay sa mga dagat at look ng Sulu, Kabisayaan, Sibuyan, Lamon, Ragay, at Babuyan. Kadalasan itong ibinebenta nang sariwa o ginagawang daeng at tinapa. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isda. (MA)

Cite this article as: galunggóng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/galunggong/