gagambá
Philippine Fauna, spider, species, animal, traditional games, comicbooks, comics
Ang gagambá (order Araneae) ay alinman sa mga hayop na karaniwang may kakayahang magsapot at may walong galamay. Mayroon itong dalawang malalakí at makaman-dag na pangil na ginagamit sa pagsakmal at pagkain. Ang Araneae ay itinuturing na pinakamalaki sa lahat ng or-den ng mga araknid at ikapitó sa pinakamaraming bílang ng mga organismo sa mundo. Matatagpuan ito sa halos lahat ng kontinente maliban sa An-tartica at namumuhay sa ha-los lahat ng habitat maliban sa himpapawid at karagatan.
Sa kasalukuyan, naitalâng may-roong humigit-kumulang na 43,000 espesye at 109 pamilya ang mga gagamba. May tatlong suborders ang mga gagamba: ang Mesothelae na pinakamatanda sa lahat at may mga pangil na na-katuro pababâ; ang Mygalomor-phae na kinabibilangan ng mga malalakíng gagamba, gaya ng tarantula na mayroong malalaking chelicerae at pangil; at ang Araeomorphae na pinakamarami ang species at kilala sa paggawa ng magagandang sapot.
Itinuturing ang gagamba na chelicerate at arthropod. Bí-lang arthropod, mayroon itong segmentadong katawan at ulo at hugpong-hugpong na mga galamay na nababalot ng chitin at protina. Bílang chelicerate, binubuo ang katawan nitó ng dalawang bahagi: ang una ay ang cephalothorax o prosoma na binubuo ng ulo at dibdib at ang opisthosoma o ang tiyan. Pinagdudugtong ang cephalothorax at opistho-soma ng isang seksiyong maliit at silindriko na tinatawag na pedicel at nagpapahintulot sa gagamba ng malayang paggalaw ng tiyan kapag naglalabas ng sapot mula sa mga glandula nitó. Karaniwang may apat na pares ng matá ito na nagkakaiba ng ayos depende sa espesye. Ang pangu-nahing matá ay nakabubuo ng mga imahen habang ang iba pang matá ay tumutukoy naman ng pinanggagalingan ng ilaw. Nakasalalay sa mga matá nitó ang pagtukoy ng direksiyon at pagkilala sa paligid dahil wala itong pampa-bilis at pambalanseng sensor.
Popular ang mga gagamba bílang libangan sa mga Fili-pino lalo sa mga musmos. Karaniwang sa larong tina-tawag na “sapót,” pinaglalaban ang dalawang gagamba sa tingting. May alamat din tungkol sa isang batàng mahu-say maghabi ngunit naging mayabang kayâ pinarusahan ng mga diwata at naging gagamba. Ang komiks naman na pinamagatang Gagamba ng magkapatid na Nestor at Virgilio Redondo ay sumikat pagkatapos itong lumabas sa Tagalog Klasiks noong 1962. Ang iba pang katawagan sa gagamba ay “alalawa,” “anlalawa,” “aranya,” “bakaw,” “babagwa,” “damang,” “ganggang,” “genggeng,” “gigang,” “hawa,” “lalawa,” “lawa-lawa,” “lawwa-lawwa,” at “tam-bayawan.” (KLL)