gadyá

Elephant, mammals, archaeology, animal,  ivory, endangered species

 

 

Ang gadyá ay ang pinakamalaki at pinakamabigat na nabubuhay pang hayop sa lupa. Mayroon itong napaka-habàng ilong, malalaking tainga, at dalawang tila sungay na ngiping nakausling palabas ng bibig. Mas kilala ito sa tawag na “elepánte.”

 

Tatlo lang ang uri ng gadyang ang kinikilala sa kasa-lukuyan: ang African Bush Elephant (Loxodonta Afri-cana) at African Forest Elephant (Loxodonta cyclotis) na parehong matatagpuan sa Africa; at ang Asian Elephant (Elephas maximus) na nabubuhay lámang sa katimu-gang bahagi ng Asia—mula sa India hanggang Borneo. Gayunman, mayroong mga pag-aaral na nagsasabing may isa pang hiwalay na uri ng gadya na matatagpuan naman sa kanlurang Africa.

 

Sa Asia, tanyag na simbolo ng karunungan ang mga gadya. Kinikilala ang mga ito dahil sa umano’y taglay na talas ng memorya at talino ng mga ito na itinutumbas sa antas ng kaisipan ng mga lumba-lumbá at ibang primate.

 

Bagaman walang natural na predator ang malalaki nang gadya, nanganganib pa ring malipol ang mga ito. Bukod sa unti-unting pagkaubos ng mga gubat na tirahan, ma-bilis ang pagbaba ng populasyon ng mga gadya dahil sa ilegal na panghuhuli at pagpaslang. Ibinebenta kasi ang garing mula sa mga nakausling pangil ng elepante.

 

Dito sa Filipinas ay nabuhay rin ang mga sinaunang uri ng gadya. Sa Lambak Cagayan sa Hilagang Lu-zon, halimbawa, ay may nahukay na fossilized molars o bagang ng Elephas sp. at Stegodon. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga ito ay umiral 750,000 taon na ang na-kararaan o sa panahon pa ng Pleistocene. Ang mga ele-phas lalo na ang stegodon ay may mas malalaking bungo at mas mahahabàng pangil na mistulang sungay kaysa mga kasalukuyang uri ng gadya. (BVN)

Cite this article as: gadyá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/gadya/

Related Articles