Gabinéte
Sa isang presidensiyal na sistemang kagaya ng umiiral sa Filipinas, ang Gabinéte (Cabinet) ang kapulungan ng mga pinunò ng iba’t ibang mahalagang kagawaran ng gobyerno at mga ahensiyang direktang pinamamahalaan ng Opisina ng Pangulo. Ang mga kasapi ng Gabinéte ay tinatawag na“kalíhim” o “sekretaryo” at nananagot lámang sa nakaluk lok na Pangulo na siyáng nagtalaga sa kanila. May kapangyarihan ang Pangulo ng Filipinas na pumilì ng sinumang naisin niya na manungkulan sa Gabinéte. Subalit kailangang pagtibayin ng Komisyon ng Paghirang ng Kongreso ng Filipinas ang nominasyon ng isang naitalagang kalihim upang maging opisyal ang kaniyang panunungkulan.
Ang prinsipyo ng pagbubuo ng Gabinéte ay pinasimulan sa Inglatera noong hulíng bahagi ng ika-16 siglo. Nagsisilbi itong impormal na lupon ng tagapayo ng hari. Nang maitatag ang modernong parlamentaryong demokrasya, pormal na ginamit ang konsepto ng gobyerno ng Gabinéte upang magsilbing komiteng tagapagpaganap ng parlamento. Dahil dito, ang mga kasapi ng Gabinéte ay kasapi rin ng parlamento.
Malaki ang pinagkaiba ng Gabinéte sa isang presidensiyal na sistema. Sa gobyernong presidensiyal, walang nagsasariling kapangyarihan ang Gabinéte at ang mga kagawad nitó ay hindi halal ng mamamayan. Nagsisilbi ang Gabinéte bilang tagapagpaganap ng mga opisyal na patakaran at gumaganap lámang ng mga administratibong tungkulin upang mas epektibong makapamunò ang Pangulo. Ganito ang modelo ng sistemang Gabinéte na sinusunod ng gobyerno ng Filipinas.
Mayaman ang praktika ng Filipinas sa pagbubuo ng Gabinéte. Noong panahon ng himagsikan laban sa mga Español, nag-organisa na ang Katipunan ng isang pormal na Gabinéte na tumayông lihim na rebolusyonaryong gobyerno. Nagtalaga rin si Emilio Aguinaldo ng kaniyang Gabinéte upang pangasiwaan ang iba’t ibang tungkuling panggobyerno noong Republikang Malolos. Hanggang sa kasalukuyan, ang sistemang Gabinéte pa rin ang pangunahing instrumento ng Pangulo ng Filipinas upang mas mahusay na mapamahalaan at maipatupad ang mga tungkulin ng gobyerno. (SMP)