Jovita Fuentes
(15 Pebrero 1895–7 Agosto 1978)
Si Jovita Fuentes (Ho·ví·ta Fu·wén·tes) ang tinaguriang prima donna ng musika at kauna-unahang babae na nagkamit ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Pinakamaringal siyáng mang-aawit sa opera na kinilála sa Filipinas at sa ibang bansa. Ang kaniyang natatanging pagganap sa mga pinakabantog na mga tanghalan sa daigdig ay nagdala ng karangalan sa Filipinas at mataas na respeto sa talento ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1976.
Bagaman kumukuha pa lamang ng karagdagang pagsasanay sa Italy ay maagang sinakop ng sining ni Fuentes ang mga bantog na tanghalan sa Europa, America, at Asia. Kinilála siyá sa kaniyang di-malilimutang pagganap sa mga pangunahing karakter sa ilalim ng pinakamagagaling na direktor: Bílang si Cio Cio San sa Madame Butterfly ni Giacomo Puccini; Liu Yu sa Turandot at Mimi sa La Boheme ni Puccini; Iris sa Iris ni Pietro Mascagni; at biílang Salome sa Salome ni Richard Strauss.
Sa kaniyang pagbabalik sa Filipinas ay iginugol niya ang panahon upang ibahagi naman ang kaniyang sining sa pagsusulong ng opera at musika sa Filipinas. Itinatag niya ang Music Promotion Foundation of the Philippines at ang Opera Foundation of the Philippines at Artists Guild of the Philippines. Naging guro siyá sa musika sa College of the Holy Spirit, Sta. Isabel College, University of the Philippines, at Centro Escolar University. Bukod sa mga palakpak at standing ovation, si Fuentes ay nagkamit ng “Embahadora de Filipinas a su Madre Patria” mula sa España; Presidential Medal of Merit (1958); Diwa ng Lahi mula sa Lungsod Maynila (1975); Phi Kappa Phi Honor ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ipinanganak siyá noong 15 Pebrero 1895 sa bayan ng Capiz (ngayon ay Lungsod Roxas) kina Canuto at Dolores Fuentes. Pumunta siya sa Milan, Italy upang kumuha ng karagdagang pagsasanay sa pag-awit. Wala pang siyam na buwan ay natuklasan siyá ng naghahanap ng soprano para sa Madame Butterfly. Pagkatapos ng halos kalahating 145 siglo ng ambag sa musikang Filipino, binawian siyá ng búhay noong 7 Agosto 1978. Ang aklat na Jovita Fuentes: A Lifetime of Music ay inilathala sa taon ding iyon. (RVR)