Francisco M. Fronda
(22 Disyembre 1896–17 Pebrero 1986)
Pambansang Alagad ng Agham, si Francisco M. Fronda (Fran·sís·ko Em Frón·da) ang itinuturing na tagapanguna ng makabagong siyensiya ng pagmamanukan sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 19 Hulyo 1983.
Sa pamamagitan ng kaniyang pananaliksik, lumikha siyá ng mas mahusay na lahi ng manok at bibe upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at mapaunlad ang produksiyon ng industriya ng manukan. Una niyang pinaunlad ang lahi ng manok na kung tawagi’y Cantonese. Ang bagong lahi ng Cantonese ay di hamak na mas malaki at marami kung mangitlog. Nagsagawa rin ng pag-aaral si Fronda upang mapahusay ang kalidad ng karne ng bibe. Ang husay sa paghahayupan ni Fronda ay napakinabangan din ng ibang bansa sa Asia. Itinuturing siyáng ama ng industriya ng manukan sa Thailand. Tinuruan rin niya ng makabagong paraan ng pagmamanukan ang mga magsasaka ng Burma at Hongkong.
Ang kaniyang librong Poultry Science and Production ay naging batayang aklat ng mga mag-aaral at nagsilbing gabay ng industriya ng pagmamanukan. Binalangkas rin niya ang unang maikling kurso sa siyensiyang pangagrikultura para sa mga magsasakang Filipino. Naging punòng patnugot siyá ng Better Poultry and Livestock Magazine (1959–1969).
Isinilang si Fronda noong 22 Disyembre 1896 sa Aliaga, Nueva Ecija at anak nina Victor Fronda at Teodora Mamaclay. Bagaman hindi pa siyá nakatapos ng sekundarya ay tinanggap siyá sa Kolehiyo ng Agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas. Pagkatapos makamit ang kaniyang Batsilyer sa Agrikultura, ipinadala kaagad siyá sa Cornell University sa New York bílang pensiyonado ng pamahalaan. Natapos niya ang master at doktorado sa siyensiya sa naturang unibersidad. Nang makabalik sa Filipinas, ipinagpatuloy niya ang pagtuturo at pinamunuan ang Departamento ng Paghahayupan sa UP. Naging opisyal siyá ng United Nations Food and Agricultural Office at tagapangulo ng Dibisyon sa Agrikultura ng National Research Council of the Philippines. Yumao siyá noong 17 Pebrero 1986. (SMP)