Domingo T. Franco

(1856-1897)

Tagapagtaguyod ng Kilusang Propaganda at isa sa “13 Martir ng Bagumbayan,” ipinanganak si Domingo T. Franco (Do·míng·go Ti Frán·ko) noong 4 Agosto 1856 sa 143 Manbusao, Capiz kina Juan Franco, na isang procurador judicial o solicitor, at Ciriaca Tuason. Lumaki si Domingo sa Maynila. Tumanggap siyá ng diplomang perito mercantil sa Ateneo Municipal sa Intramuros at nagtapos ng pagiging notaryo publiko sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa UST niya nakilála sina Mabini at Rizal.

Noong 1881, ikinasal siyá kay Concepcion Gonzales, anak ng isang kapitan ng guwardiya sibil. Nagtira silá sa Kalye Nagtahan, malapit sa Ilog Pasig at naging kapitbahay sina Ambrosio Rianzares Bautista, Moise Salvador, at Benedicto Nijaga. Nakatira sa ibayo ng Ilog Pasig si Mabini. Nagnegosyo siyá sa pagbili at pagputol ng mga dahon ng tabako, at di-nagtagal, naging tagasuplay sa malalaking kompanya ng tabako na tulad ng La Flor de Isabela, La Yebana, at La Insular.

Sa kabilâ ng pagyaman, naakit siyá sa mga kaisipang liberal at sumapi sa Lohiya Nilad ng mga Mason. Pagkatapos, nalipat siyá sa Lohiya Balagtas, na sangay ng El Gran Oriente Español, ang inang organisasyon sa Madrid. Naabot niya ang ikawalong antas ng master, ang pinakamataas na ranggo ng mga Mason sa Filipinas noon. Nahalal naman si Domingo bilang presidente ng La Liga noong 1893, at naging kasamahan sa kataas-taasang konseho ng Cuerpo de Compromisarios sina Mabini, Numeriano Adriano, at Moises Salvador. “Felipe Leal” ang pangalan niya sa Liga. Isa siyá sa mga unang dinakip pagsiklab ng Himagsikang 1896 at binaril, kasáma ang 12 iba pa, noong 11 Enero 1897 sa Bagumbayan. (GVS)

Cite this article as: Franco, Domingo T.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/franco-domingo-t/