Lazaro Francisco

(22 Pebrero 1898–17 Hunyo 1980)

Si Lazaro Francisco (Lá·za·ró Fran·sís·ko) ay isang bantog na nobelista ng ika-20 siglo. Siyá ang tagapagtatag ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA). Pinarangalan siya ng Republic Cultural Heritage Award for Literature noong 1970 at hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2009.

Isinilang siyá noong 22 Pebrero 1898 sa Orani, Bataan kina Eulogio Francisco at Clara Angeles. Sinubok ng pamilya ang kanilang kapalaran sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Nagaral siyá sa Central Luzon Agricultural School. Kumuha siyá ng kurso sa Ingles at bookkeeping. Naging trabahador at kalaunan ay naging klerk siyá sa provincial treasurer’s office. Nang maipasá ang civil service examination, naging provincial assessor siyá hanggang 1963. Noong 1958, itinatag niya ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA), isang samahang naglalayon ng pagpapaunlad ng wikang pambansa.

Nakasulat siyá ng 12 nobela, pitóng maikling kuwento, at isang sanaysay na nalathala sa mga popular na babasahíng gaya ng Liwayway. Nagkamit ng mga karangalan ang kaniyang unang nobeleta, Binhi at Bunga (1925), ang nobeletang Cesar (1926), at ang maikling kuwentong Deo (1926). Ang kaniyang mga akdang Ama (1927), Sa Paanan ng Krus (1933), Pamana ng Pulubi (1936), Bago Lumubog ang Araw (1938), at Singsing na Pangkasal (1940) ay isinalin sa iba’t ibang wika ng bansa at ginawan ng dula at pelikula. Ilan pa sa mga nobela niya ay Ilaw sa Hilaga, Bayang Nagpapatiwakal, Sugat ng Alaala, Maganda Pa ang Daigdig, at Daluyong.

Nakatanggap siya ng gintong medalya mula sa Ilaw at Panitik para sa kaniyang Sa Paanan ng Krus, pinakamataas na karangalan para sa nobela para sa kaniyang Singsing na Pangkasal sa Commonwealth Literary Awards noong 1940, Ilaw sa Hilaga bílang pinakamahusay na nobela sa unang limang taón ng Republika mula 1947–1950 mula sa Kapisanang Panitik ng Kababaihan, gintong medalya para sa kaniyang Sugat ng Alaala mula sa Kalipunang Pambansa ng mga Alagad ng Sining noong 1951, Balagtas Award noong 1969, Republic Cultural Heritage Award noong 1970, at Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod ng Maynila noong 1975. Yumao siyá noong 17 Hunyo 1980. (KLL)

Cite this article as: Francisco, Lazaro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/francisco-lazaro/