Carlos V. Francisco

(4 Nobyembre 1912–31 Marso 1969)

Si Carlos V. Franciso (Kár·los Vi Fran·sís·ko) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1973. Mas kilala siya sa pangalang Botong, isa siya sa bumubuo ng triunvirato ng modernismo na nagpabago sa larangan ng sining sa Filipinas noong namamayani ang impluwensiya ni Amorsolo. Kasama rin siya sa mga nagtatag ng Thirteen Moderns noong 1938 at nagpaunlad at nagtaguyod ng mga likhang miyural.

Ang mga obra niya ay nagtampok ng mga makabagong hulagway ng mga Filipino, mula sa kanilang mga kaugalian at pagdiriwang (Musikong Bumbong, Bayanihan, Fiesta, Sandugo at Moriones Unmasked) hanggang sa mga pangkaraniwang tanawin at gawain sa kanilang paligid (Planting Corn, Rice Threshers, Siesta Under the Mango Tree at Lost in the 142 Forest). Nagtampok ang kaniyang sining ng disenyo at ritmo, makabagong idyoma sa pamamagitan ng matitingkad na kulay ng karaniwang tao at pakurbadang linyang nagpapanagpo at pumupuno sa bawat espasyo.

Bílang mahusay na muralist, ang dingding ng mga kilalang institusyon ay nagsilbing malaking kambas para sa sining ni Francisco. Ilan sa pinakatanyag niyang likha ay ang History of Medicine para sa Philippine General Hospital; Bayanihan para sa Philippine Bank of Commerce; paglalarawan sa búhay ni Sto. Domingo para sa Simbahan ng Sto. Domingo; at Stations of the Cross para sa Far Eastern University Chapel. Sa kaniya ang ginamit na gahiganteng miyural (88 metro ang taas at 8 metro ang lapad) sa entrada ng kauna-unahang International Fair na inilunsad ng Filipinas noong 1953. Maituturing na pangunahing obra ni Francisco ay ang miyural para sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall na may pamagat na Filipino Struggles Through History (kalaunan ay tinawag na Maharnilad) na nagtatampok sa kasaysayan ng Maynila mula sa panahon ng mga Raha hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Americano.

Isinilang si Francisco noong 4 Nobyembre 1912 sa Angono, Rizal sa mag-asawang Felipe Francisco at Maria Vilaluz. Ikinasal siya kay Rosalina at nagkaroon sila ng tatlong supling. Nagtapos siya sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas. Sinasabing ang tawag na Botong ay mula sa katawagan sa isa ring popular na karakter sa Cainta, Rizal na kasing-itim niya ang kulay. Namatay siya sa edad na 57 noong 31 Marso 1969 at inilibing sa kaniyang bayang sinilangan, sa Angono, Rizal. Ang Camote-eaters ang pinakahuli at hindi niya natapos na obra. (RVR)

Cite this article as: Francisco, Carlos V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/francisco-carlos-v/