Santiago S. Fonacier

(21 Mayo 1885–6 Disyembre 1977)

Isang bantog na politiko at ikalawang Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ipinanganak si Santiago S. Fonacier (San·tyá·go Es Fo·na·syér) sa Laoag, Ilocos Norte noong 21 Mayo 1885. Nag-aral siyá ng pagpapari sa seminaryo ng Iglesia Filipina Independiente at naordenahan noong 1902.

Pagkatapos maordenahan ay nagturo siyá. Dahil mahilig magsulat, iniwan niya ang pagtuturo pagkaraan ng dalawang taón, naging reporter ng La Democracia at El Grito del Pueblo, at itinatag at pinamatnugutan ang sariling La Lucha na tumagal hanggang 1941. Isinalin din niya sa Ilokano ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Noong 1912, nahalal siyá sa unang PhilippineAssembly bílang representante ng unang distrito ng Ilocos Norte. Kumandidato siyáng senador noong 1919 at nagwagi sa distrito ng Abra, Batanes, Cagayan Valley, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Isabela. Nagsilbi din siyáng rehente ng UP, at miyembro ng Institute of National Language at Board of Pardon and Parole, bukod sa naging tagapangulo ng National Textboard Board at kapelyan sa hukbo.

Si Fonacier ang isa sa unang kapanalig ni Gregorio Aglipay. Naging sekretaryo-heneral siyá ng Iglesia Filipina Independiente at nang mamatay si Aglipay ay pumalit na Obispo Maximo nitó. Namatay siyá noong 8 Disyembre 1977 sa gulang na 92 taón. Noong Mayo 1985, itinapat sa kaniyang sentenaryo ang paglalagay ng marker ng National Historical Institute sa kaniyang sinilangang bahay. (GVS)

Cite this article as: Fonacier, Santiago S.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/fonacier-santiago-s/