Lína Flor
(1915–11 Pebrero 1976)
Si Carolina Flores (Ka·ro·lí·na Fló·res), mas kilala bílang Lína Flor, ay isang kuwentista at kolumnista sa Ingles at Filipino.
Naging host siyá ng pang-umagang programa sa KZIB at kalaunan ay lumipat sa KZRM, ang pinakakilala noong estasyon ng radyo na dinodomina ng mga Americano. Nagsimula siyáng magsulat ng maiikling kuwento sa Ingles at pagkaraan ay sa Filipino noong dekada 30. Ang kaniyang “Without Regret,” “Big Sister,” “Family Album,” at “Grandmother Muses” ay inilista sa taunang roll of honor ng maiikling kuwento ni Jose Garcia Villa mula 1926 hanggang 1940. Nalathala din ang iba pa niyang akda sa mga magasin ng Pillars—para sa mga akdang “Tahanan at Tanggapan” (1944), “A Stretch of Land” (1944), at “Time out of Preparedness” (1944)—at Orient—para sa mga akdang “The Show Must Go On!” (1964) at “The Passing of Carlos Padilla” (1964). Matapos ang Ikalawang Digmaan, nagsulat siyá ng mga maikling kuwento at serye ng Filipinong nobela sa Sinag-tala, Ilang-Ilang, Daigdig, at Taliba.
Muling siyáng lumahok sa trabaho sa radyo noong mga taóng 1950 at nakilala siya, partikular sa mga takapakinig na ina, bílang Aling Juanang Mapag-impok. Sumikat ang kaniyang mga drama sa radyo na Dr. Ramon Selga at Gulong ng Palad. Nagsulat siyá ng popular na kolum sa Graphics, Daily Mirror, at Manila Times; ng talambuhay na Mrs. Luz B. Magsaysay (1958); at ng Dilettante (1972), koleksiyon ng kaniyang mga berso at kartuns. (KLL)