Filipíno
Filipíno ang tawag sa pambansang wika ng Filipinas, ayon sa 1987 Konstitusyon, at kasalukuyang pambansang lingua franca. Alinsunod sa tadhana ng Artikulo XIV, seksiyong 6 ng 1987 Konstitusyon:
The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.
Nakabatay ito sa wikang Tagalog na siyáng napilìng batayan ng wikang pambansa noong 1937. Mula Tagalog, pinalawak ang konsepto ng wikang Filipino bílang wikang nakabukás na tumatanggap at umuunlad mula sa lahat ng mga wikang katutubo ng bansa pati na ang mga wikang banyaga. Larawan ang Filipino ng makulay at sari-saring pambansang kultura at karanasan. Mula dito, maaaring itawag ang “Filipino” sa mga mamamayan at kabuuang kultura ng Filipinas.
Filipino ang pambansang lingua franca o wikang tulay ng iba’t ibang rehiyon sa bansa para magkaunawaan. Ito ang ginagamit ng sinumang dalawang tao na may magkaibang wikang kinagisnan sa Filipinas. Halimbawa, isang Ivatan at isang Tausug o isang Ilonggo at isang Kapampangan ang nais mag-usap. Filipino din ang wika ng komunikasyon na pinalalaganap ng pambansang mass media at ng pamahalaan.
Bahagi ng modernisasyon ng Filipino ang bagong alpabeto na may 28 titik. Idinagdag sa lumang abakadang Tagalog ang mga titik na C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z upang maidagdag ang mga tunog ng mga ito sa mga salitâng hinihiram mula sa ibang wikang katutubo at banyaga. Ang mga tunog ng F, J, V, at Z ay matatagpuan sa mga wikang katutubo (halimbawa, “fagfagtó” ng Ifugaw at “fákang” ng Tëduray, “lají” ng Ivatan at “jumigí” ng Ibanag, “vákul” ng Ivatan at “vuláwan” ng Ibanag, “zízzing” ng Ivatan at “zinága” ng Ibanag). Ang nabanggit na apat at ang C, Q, at X (gaya sa cheese, caña, fan, faux pas, jam, jaywalking, jog, quota, I.Q., veto, ivy, zigzag, pizza, exit, x-ray) ay ginagamit sa mga bagong hiram mula sa Ingles at ibang wikang banyaga. Ang Ñ (gaya sa niño, añonuevo) ay mula sa alpabetong Español. (VSA)