Filipínas

Filipínas ang unang pangalang ibinigay sa ating Republika. Ang pangalang ito ay ibinigay ni Ruy Lopez de Villalobos, isang Español na manlalakbay, nang marating niya ang mga pulo ng Samar at Leyte noong 1542 bílang parangal sa noo’y prinsipe ng España at kalaunan ay naging Haring Felipe II. Nanatili ang pangalang ito hanggang sa Republikang Malolos. Sa panahon ng pananakop ng mga Americano, ang Filipinas ay tinawag nilang “Philippines.” Dahil sa abakadang walang F, ang Filipinas ay isinulat na “Pilipinas” nitóng ika-20 siglo.

Ang buong kapuluan ay binubuo ng mahigit 7,100 isla. May 966 kilometro ang layo nitó sa timugang baybayin ng lupalop ng Asia, mataas nang bahagya sa ekwador, sa pagitan ng 40°23’ at 21°25’ hilagang latitud at ng 116° at 127° silangang longhitud. Dagat Timog Tsina ang hanggahan nito sa kanluran, Karagatang Pasipiko sa silangan, Dagat Sulu at Celebes sa timog, at Kipot ng Bashi sa hilaga. Humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kuwadrado ang kabuuang saklaw ng lupain nito na ang mahigit 93 porsiyento ay nasa 11 malalaking pulo.

Sa 7,100 pulo, 2,773 lamang ang may pangalan at 1,192 lamang ang may naninirahan. Ang mga pangunahing pulo ay pinangkat sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Itinuturing na pinakamahaba sa daigdig ang magkakasanib na sukat ng mga baybayin nitó na umaabot sa 34,600 kilometro.

Ang kabuuang sukat ng lupaing saklaw ng bansa ay kapantay ng Italy, malaki nang kaunti sa Great Britain, at maliit nang bahagya sa Japan. Napailalim ito sa kapangyarihang kolonyal ng tatlong bansa, ang España (1521– 1898), ang Estados Unidos (1898–1935), at ang Japan (1941–1945). Ang relihiyong Katoliko, na dala ng mga Español, ang relihiyon ng mayorya ng populasyon kayâ tinagurian ito bílang nag-iisang Katolikong bansa sa buong timog-silangang Asia. (AMP)

Cite this article as: Filipinas. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/filipinas/