filibustéro
Ang filibustéro ay tao na mahabang magtalumpati, karaniwang dahil sa layuning binbinin ang pagpapasiyá tungkol sa isang kaso, kontrobersiya, o proyekto, at malimit na ginagawa sa kumperensiya, hukuman, o batasan. Maaari rin itong mangahulugang abenturero noong ika-19 nasiglo na may layuning mangupat ng pag-aalsa sa America Latina. Mula ito sa salitâng Olandes na vrijbuiter o “freebooter” o “pirata” natumutukoy sa mga táong sumasalakay sa mga koloniya ng España at barko sa West Indies.
Sinasabing unang gumamit ng taktika ng filibusterismo si Cato, isang Romanong senador. Sa mga debateng hindi niya sinasang-ayunan, tuloy-tuloy siyáng nagsasalitâ hanggang sa gumabi kayâ hindi na nakakapagbotohan ang pinag-uusapan. Dalawang beses niyang ginamit ang filibusterismo laban sa mga layuning politikal ni Julius Caesar.
Ang mga filibustero at nagpapasimula naman ng mga pag-aalsa noong siglo 19 sa America Latina ay mga militar at abenturerong tulad nina Charles de Pindray at Gaston de Raousset-Boulbon sa Mexico, Narciso Lopez at John Quitman sa Cuba, at William Walker sa Nicaragua. Layon niláng magpasimuno o suportahan ang mga pag-aalsa at pagkatapos ay aangkinin ang kapangyarihan at magtatatag ng sariling pamahalaan
Ang filibustero bílang kaaway ng bayan ang higit naginamit sa Filipinas noong panahon ng Español. Tungkol sa erehe at filibustero—dalawang mabigat na kasalanan sa panahon ng pananakop ng Español—ang ikaapat na kabanata ng Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal. Sa ka- banatang ito, pinaratangang erehe at filibustero ang ama ni Crisostomo Ibarra na si Don Rafael Ibarra kayâ siyá ikinulong. Itinuring siyang filibustero dahil pinagbintangang pumatay ng kobrador ng buwis, isinuplong dahil suskritor sa mga pahayagang liberal, at nakuhanan ng li- ham at retrato ng isang binitay na pari.
Ang El Filibusterismo (1891) ang ikalawa ng nobela ni Jose Rizal. Tungkol ito sa pagbabalik ni Crisostomo Ibarra bílang ang mag-aalahas na si Simoun upang pumatay at maghiganti sa dinanas na kasawian. Bumalik si Ibarra bílang bayani ng anarkista upang ilagay sa alanganin ang mga mariwasa at may katungkulan hábang lihim na binibigkis ang mga api’t mahihirap upang lumaganap ang protesta at magsimula ang rebolusyon. (KLL)