Ligaya Fernando-Amilbangsa

(9 Octukbre 1943 – )

 

 

Si Ligaya Flores Fernando-Amilbangsa (Li·gá·ya Fer·nán·do-A·mil·báng·sa) ay isang mananayaw, iskolar, at koreograpo ng nagmula sa Lungsod Marikina at pinarangalan ng Gawad Ramon Magsaysay noong 2015 para sa kaniyang pag-aaral, pagpapanatili, at pagpapalaganap ng katutubong sayaw sa bansa bago pa man dumating ang Islam – ang “pangalay,” isang sayaw-pag-aalay na bahagi ng tradisyong Samal, Badyaw, Jama Mapun, at Tausug ng Sulu, at Tawi-tawi.

Dahil lumaking masasakitin, naging aktibo si Fernando-Amilbangsa sa iba’t ibang sining, tulad ng ballet, pag-awit, at pagtugtog ng piyano. Kumuha siya ng digring Batsilyer sa Ingles sa Far Eastern University, kung saan niya nakilala ang naging asawa niyang si Datu Punjungan Amilbangsa ng Sulu. Ikinasal sila noong 1969 at nanirahan nang tatlong dekada sa Mindanao, kung saan matiyaga at masinop na idinokumento at pinaunlad ni Fernando-Amilbangsa ang mga katutubong sayaw roon. Nagpakilala rin siya ng mga usaping kontemporaneo sa kaniyang koreograpo, tulad ng karapatan ng kababaihan at pangangalaga sa kalikasan.

Pagbalik ng Maynila noong 1999, itinatag niya ang AlunAlun Dance Circle (ADC) na nagsasagawa ng mga palihan at pagtatanghal. Katuwang din siya sa pagtatag ng Tambuli Cultural Dance Troupe ng Sulu College of Technology anf Oceanography. (ECS)

 

Cite this article as: Fernando-Amilbangsa, Ligaya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/fernando-amilbangsa-ligaya/