Federico Faura
(30 Disyembre 1840–23 Enero 1897)
Si Federico Faura (Fe·de·rí·ko Fáw·ra) ay isang Heswitang Español at meteorologong nanguna sa pag-aaral ng mga bagyo sa Filipinas. Itinatag niya ang Observatorio Meteorologico de Manila o mas kilalang Manila Observatory.
Isinilang sa Barcelona, Spain, pumasok siyá sa Society of Jesus noong 16 Oktubre 1859. Bílang tugon sa pangangailangan ng isang epektibong warning system para sa mga bagyo, kinuha ng mga Heswita ang imbensiyong universal meteorograph ni Angelo Secchi noong 1869. Nang madestino sa Filipinas, bagaman hindi pa ordenado, ipinahawak na sa kaniya ang Observatorio at binigyan ito ng magandang reputasyon bílang maaasahang tagatukoy ng bagyo. Tinangkilik ng mga tao ang kaniyang buwanang Boletin del Observatorio de Manila. Kinilala rin ang kahalagahan ng idinisenyo niyang aneroid barometer para sa epektibong pag-aaral ng panahon.
Isa siyá sa mga gurong kinagiliwan ni Jose Rizal sa Ateneo de Manila. Nang magbalik si Rizal sa Filipinas noong 1877, matapos mailathala at kumalat ang kaniyang Noli Me Tangere, binisita niya sa Ateneo si Padre Faura. Nagkaroon sila ng pagtatalo na nauwi sa pagpuputol ng pari ng kanilang ugnayan. Nang ipiit si Rizal sa Fort Santiago noong 29 Disyembre 1896, isa si Fauraya sa mga pinahintulutang bumisita sa bayani.
Sinasabing noong umaga ng 30 Disyembre 1896, ang kaniyang kaarawan at araw din ng pagbaril kay Rizal, ipinag-utos niya sa kaniyang tagapag-alaga na dalhin siyá sa azotea ng Ateneo dahil natatanaw mula doon ang Luneta. Mayroon siyáng malubhang sakit noon ngunit pinilit na bumangon upang matunghayan ang hulíng sandali ng kaniyang mahal na estudyante. At nang umalingawngaw ang putok ng baril, lumuluha niyang ipinag-utos na dalhin siyá pabalik ng kaniyang kuwarto. Makalipas ng halos tatlong linggo, pumanaw siyá. Ipinangalan sa kaniya ang isang kalye sa Maynila. (KLL)