Raul V. Fabella
(12 Abril 1949–)
Pambansang Alagad ng Agham, si Raul V. Fabella (Ra·úl Vi Fa·bél·ya) ay isang batikang ekonomista, dalubguro, ma-nanaliksik, lider sibiko, at mahusay na administrador. Isinusulong niya ang paggamit ng mga makabagong konsepto upang mas malalim na maintindihan ang mga suliranin sa ekonomiya. Ang kaniyang pananaliksik at pag-aaral ay na- katulong nang malaki sa pagbalangkas ng ilang mahalagang pambansang patakaran sa ekonomiya at pananalapi at intelektuwalisasyon sa pagtalakay ng mga suliraning pambayan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 27 Hulyo 2011.
Sinuri niya ang panlipunang karanasan ng mga bansa sa Silangang Asia at inihambing ito sa ekonomiyang pampolitika ng Filipinas. Sa pama-magitan ng kaniyang teoryang Debt Adjusted Real Exchange Rate, naipaliwanag at luminaw ang pag-intindi sa naganap na krisis pinansiyal sa Asia noong 1997. Kilalá din siyáng mahusay na dalubguro at administrador. Nagtuturo siya sa Unibersidad ng Pilipinas at tatlong beses naging dekano ng Paaralan ng Ekonomiya noong 1998–2000; 2001–2003; at 2004–2006.
Si Fabella ay masugid na taga sunod ng kaisipang ‘publish or perish’ na nauna nang itinaguyod ng Pambansang Alagad ng Agham Jose Encarnacion Jr. Kayâ naman nag lathala si Fabella ng maraming siyentipikong artikulo at sanaysay hinggil sa teorya at praktika ng ekonomiyang pampolitika at pandaigdigang pinansiya. Iginawad sa kaniya noong 1993 ang Outstanding Publication Award ng UP para sa artikulong “Rawlsian Nash Solutions” at International Publication Award noong 2002 parasaartikulong “The Welfare and Political Economy Dimensions of Private Versus State Enterprise.”
Isinilang si Fabella noong 12 Abril 1949 sa Bacolod, Negros Occidental at anak nina Estelito Fabella ng Romblon at Magdalena Villaseñor ng La Carlota, Negros. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Seminario Mayor Recoletos sa Lungsod Baguio noong 1970. Nakuha niya ang master sa Ekonomiya noong 1975 sa Paaralan ng Ekonomiya sa UP at doktorado sa Ekonomiya noong 1982 sa Yale University. Matapos mag-aral ay nagbalik siya sa UP upang ituloy ang pagtuturo at pananaliksik. (SMP)