Crisanto Evangelista

(1 Nobyembre 1888–25 Enero 1942)

Si Crisanto Abano Evangelista (Kri·sán·to A·bá·no E·bang·he·lís·ta), mas kilalang Ka Anto, ay tanyag na lider obrero at itinuturing na Haligi ng Unyonismong Filipino. Itinatatag niya ang Congreso Obrero de Filipinas (COF) noong 1924 at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.

Isinilang siyá sa Meycauayan, Bulacan noong 1 Nobyembre 1888 kina Florencio Evangelista at Feliciana Abano. Nag-aral siyá ng elementarya sa kaniyang bayan at pagkaraan ay nagtungo sa Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral. Upang matustusan ang kaniyang pangangailangan, namasukan siyá bilang trabahador sa mga palimbagan. Sinasabing ito ang nagsangkot sa kaniya sa mga kilusang manggagawa. Ikinasal siya kay Lucia Guzman ng Paco, Maynila noong Enero 1912 at nagkaroon ng siyam na anak.

Naging Sekretaryo Heneral siyá ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 hanggang sa maging Pangulo ng organisasyon noong 1918. Sa kaniyang pamumunò, naipatupad ang Collective Bargaining Agreement bilang bahagi ng kahingian ng mga manggagawa para sa mas mataas na sahod at maunlad na pamantayan sa trabaho. Noong 1919, nakilahok siyá sa misyon sa Estados Unidos para sa kasarinlan ng Filipinas na pinamunuan ni Manuel Quezon. Doon ay natuto siyá ng mga kaisipang makakaliwa mula sa American Federation of Labor at iba pang unyon sa Estados Unidos.

Nang tumiwalag siyá sa Partido Nacionalista kasama ng ibang makakaliwang politko, itinatag nilá ang COF. Muling inorganisa ang kanilang grupo bilang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 7 Nobyembre 1930 sa ika-13 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre ng mga Ruso. Pinamunuan niya ang PKP hanggang sa ipinagbawal ito ng Korte Suprema noong 26 Oktubre 1932. Ipinakulong si Ka Antong noong papatapos ang naturang dekada at nagkaroon ng mga pakikipag-usap kay dating Pangulong Manuel Quezon para sa pakikipagkasundo.

Bukod sa pagiging aktibong lider obrero, binigyang-puwang din niya ang panitikan sa kaniyang búhay. Sa isang pagdiriwang ng Damayang Mahihirap, binigkas niya ang kaniyang tulang Ang Sigaw ng Dukha noong 1913. Nang sakupin ng Hapon ang Filipinas noong 1942, inaresto at pinatay siyá matapos ang pagtatangka ng mga sundalong Hapon na gamitin siyá sa pakikipag-usap at paggipit sa Hukbalahap. (KLL)

Cite this article as: Evangelista, Crisanto. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/evangelista-crisanto/

Related Articles