Joseph Ejercito Estrada

(19 Abril 1937–)

Isang napakapopular na artista sa pelikula ang katangian ni Joseph Ejercito Estrada (Jó·sef E·hér·si·tó Es·trá·da) nang pumasok sa politika at hanggang maging pangulo ng Repub- lika ng Filipinas noong 1998. Gayunman, ipinagmamalaki niya ang matagumpay na paglil- ingkod bilang alkalde ng San Juan, Metro Maynila at pagiging senador gayundin ang mga gawa- ing gaya ng pagtatatag sa Mowelfund. Pinutol ang kaniyang pamumunò ng isang kasong impeachment na nauwi sa Pag-aalsang EDSA II at nagpatalsik sa kaniya noong 20 Enero 2001.

Isinilang si Erap, binaligtad na “pare” at paboritong palayaw kay Estrada ng mga kaibigan at tagahanga, noong 19 Abril 1937 sa Tondo, Maynila at pangwalo sa sampung anak nina Emilio Ejercito at Mary Marcelo. ng Nagulat na lámang ang kaniyang pamilya nang mabalitaang lumabas siyá sa pelikulang Kandilang Bakal noong 1954. Sinundan pa ito ng ibang pelikula at naisip ng ama na ipasok sa trabaho ang anak. Naging drayber siyá ng ambulansiya sa National Mental Hospital. Dito niya nakilála ang pinakasalang si Dr. Luisa (Loi) Pimentel, na naging isang senadora din. Ngunit hindi napigil ang hilig mag-artista ni Erap at hindi rin mapigil ang kaniyang pagsíkat. Pumatok sa takilya ang Asiong Salonga (1961), tumanggap siyá ng gawad FAMAS na best actor para sa Markang Rehas (1962), muling nagka FAMAS sa Gerong Busabos (1964), at sa tatlo pa. Tumanggap din siyá ng limang parangal bilang prodyuser mga pelikula. Pinasok ni Erap ang politika noong eleksiyong 1967 at naging alkalde ng San Juan. Samantala, itinatag niya ang Mowelfund (Movie Workers Welfare Fund) upang tulungan ang mga ordinaryong mangagawa sa pelikula. Nag-wagi siyang senador noong 1986 at pangalawang-pangulo noong 1992. Dahil sa magandang rekord sa tungkulin at mataas na popularidad, ibinoto siyá sa pagkapangulo noong 1998.

Ngunit noong Oktubre 2000, ibinunyag ni Luis (Chavit) Singson, gobernador ng Ilocos Sur at kaibigan ni Erap, na tumanggap ang pangulo ng milyon-milyong suhol sa huweteng at buwis sa tabako. Kumalat na rin noon ang anomalya hinggil sa kaniyang hilig sa babae, paglalasing, pagsusugal, at mamahaling ari-arian. Nakapasá ang kasong impeachment laban sa kaniya sa Mababàng Kapulungan at nilitis siyá sa Senado. Gumulo ang paglilitis at nauwi sa isang People Power. Ito ang tinatawag ngayong EDSA Dos at nagpatalsik kay Erap noong 20 Enero 2001. Naparusahan si Erap, napiit sa Kampo Capinpin, ngunit binigyan ng pardon. Nitóng eleksiyong 2010, kumandi- dato siyáng pangulo ngunit natálo. Kumandidato din si- yang alkalde ng Maynila at nagwagi nitóng 2013. (VSA)

Cite this article as: Estrada, Joseph Ejercito. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/estrada-joseph-ejercito/

Related Articles