Pedro B. Escuro

(2 Agosto 1923–)

Pambansang Alagad ng Agham, si Pedro Escuro (Péd·ro Bi Es·kú·ro) ang itinuturing na pinakamahusay na Filipinong siyentista sa larangan ng paghahalaman. Isa siyáng geneticist, plant breeder, mananaliksik, at administrador. Lumikha siyá ng mga bagong uri ng palay na káyang labanan ang mga karaniwang peste at sakít sa halaman. Ang kaniyang mga pananaliksik ay naging susi sa pagpapaunlad at pagtaas ng produksiyon ng bigas sa Filipinas. Naging batayang panuntunan ng maraming bansa sa Asia ang mga natuklasan ni Escuro hinggil sa bagong paraan ng pagpapalahi ng halaman. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1994.

Sinimulan niya ang tinatawag na Modified Pedigree Method na nagpabilis sa pagpili ng pinakamainam na uri ng butil. Ginamit niyang pamantayan ang kakayahan ng halaman na lumaban sa sakít at peste at kalidad ng anyo ng butil. Pinamunuan ni Escuro ang paglilinang ng bagong uri ng palay na kung tawagi’y C-varieties. Ang mga binhing ito ay pinayabong sa laboratoryong sakahan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. Ang uri ng palay na tinawag na C4-63 ay sinimulang gamitin sa komersiyal na produksiyon noong 1968.

Mula 1960 hanggang 1986, naglathala siyá ng 18 pangunahing akda ukol sa pagtatanim, pagpapaunlad ng mga bagong uri ng butil, pagpapalahi ng halaman, at iba pa. Iginawad sa kaniya ang iba’t ibang parangal at pagkilála, kabilang na ang Presidential Plaque of Merit, Rizal Pro Patria Award, Diploma in Recognition for Scientific Achievements ng World Cultural Council, at marami pang iba.

Isinilang si Escuro noong 2 Agosto 1923 sa Nabua, Camarines Sur. Ikalawa siyá sa pitóng anak nina Lucio at Aurea Escuro. Namulat siyá sa gawaing pagsasaka sapag- kat ito ang kabuhayan ng kaniyang pamilya. Natapos niya ang Batsilyer sa Agronomiya (magna cum laude) sa UP Los Baños noong 1952. Nagtungo siyá sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang mas mataas na pag-aaral. Natapos niya ang master sa Siyensiya (Plant Breeding) sa Cornell University noong 1954. Matapos ang limang taón, nakamit niya ang doktorado sa Genetics at Plant Breeding sa University of Minnesota. (SMP)

Cite this article as: Escuro, Pedro B.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/escuro-pedro-b/