Epifanio de los Santos Avenue (EDSA)
Ang Epifanio de los Santos Avenue (E·pi·fán·yo de los Sán·tos Á·ven·yú) o mas kilala sa pinaikling pangalang EDSA ay isang mahaba at malapad na lansangan na nag-uugnay sa hilaga at katimugang bahagi ng Kalakhang Maynila. Sa kasalukuyan, tinatayang 23.8 kilometro ang haba nitó, mula sa Monumento sa Lungsod Caloocan hanggang sa Mall of Asia sa Lungsod Pasay, at sampung lane o daan naman ang lapad. Sa kahabaan nitó, pinag-uugnay ng EDSA ang limang lungsod: Pasay, Makati, Mandaluyong, Quezon, at Caloocan. Tinatayang 2.34 na milyong pasahero ang dumadaan sa pangunahing lansangang ito araw-araw.
Ang nasabing daan ay ipinangalan kay Epifanio de los Santos, isang kilalang manananggol, historyadorperyodista, at manunulat at naging Direktor ng Kawanihan ng Aklatan at Museo noong panahon ng Americano.
Bago bansagang EDSA, may dalawa pa itong naunang pangalan. Nang matapos ito noong Panahon ng Komonwelt, pinangalanan itong “19 de Junio” bílang paggunita sa kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Pagkaraan, tinawag naman itong “Highway 54.” Ngunit sa bisà ng Batas Republika 2140, sinimulan itong tawaging “Epifanio de los Santos Avenue” noong 1959.
Kinikilala ng maraming Filipino ang EDSA hindi lamang bílang pangunahing lansangang naghahatid sa kanila sa mahahalagang destinasyon sa Kamaynilaan, kundi bilang saksi rin ng kanilang kamulatang pampolitika. Dito naganap ang makasaysayang “EDSA Revolution” noong Pebrero 1986, ang pagtitipon ng libo-libong Filipino para iprotesta ang pinaniniwalaan nilang malawakang pandaraya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa halalan sa pagkapangulo noong 7 Pebrero 1986. Humantong ito sa pagpapabagsak sa pamahalaan ni Marcos at ang pagpapatalsik sa tinaguriang diktador patungong Hawaii. Sinundan pa ito ng isa pang malawakang kilos-protesta laban naman kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong Enero 2001. Ang binansagang “EDSA Dos” ay paninindigan ng ilang sektor ng lipunan laban sa pinaniniwalaang korupsiyon ni Estrada. (MBL)