Rosario at Silvino Encarnacion
(15 Enero 1910–1986)
(17 Pebrero 1913–Nobyembre 1990)
Mag-asawang tagapagtatag ng isa sa matagumpay na kooperatiba Sa Filipinas at ulirang mga lider ng komunidad, sina Rosario at Silvino Encarnacion (Ro·sár·yo Sil·ví·no En·kar·nas·yón) ay tumanggap ng Gawad Ramon Magsaysay noong 1964 dahil sa kanilang pagbúhay sa Barrio Bantug Credit Cooperative Union.
Ipinanganak si Rosario noong 15 Enero 1910 sa Aliaga, Nueva Ecija at maagang naulila sa magulang. Nag-aral siyá ng high school sa Cabanatuan, nagturo muna doon, at nalipat sa paaralang elementarya ng Bantug. Doon niya nakilála si Silvino at ikinasal silá noong 1 Enero 1946.
Nagpatuloy si Rosario sa pagtuturo at sa pag-aaral na natapos niya noong 1968. Ipinanganak si Silvino noong 17 Pebrero 1913 sa Muñoz, Nueva Ecija. Guro sa elementarya ang kaniyang ama ngunit nagpasiyang magsaka sa isang lupaing publiko sa Bantug, isang baryo sa paanan ng Sierra Madre. Isang mahirap na komunidad ang Bantug. Karamihan sa taganayon ay kasamá sa malalaking lupain. Ganap na nakaasa sa ulan ang kanilang pananim at halos 50% porsiyento ng kanilang ani ay napupunta sa pagbabayad ng utang at sa panginoong-maylupa. Naging aktibo ang mag-asawang Encarnacion sa gawaing pampubliko sa baryo. Naging lider si Silvino ng mga politiko kapag halalan, nahalal na pinuno ng barangay noong 1950, 1951, at 1958. Matulungin din silá sa mga dayuhan at kung maaari’y kinukupkop sa kanilang tahanan. Isa sa kinupkop niláng dayuhan si Angel Mandac, na nagtatrabaho palá sa Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM). Kinumbinse silá ni Mandac na magtatag ng kooperatiba at naganap ito noong 1 Abril 1960.
Nagtagumpay ang mag-asawa sa pamamahala ng kooperatiba sa Bantug. Marami itong natulungan sa mga taganayon, bukod na nagdulot ng pagbabago sa nayon. Ang sakripisyo at dedikasyon ng mag-asawa ay kinilála at sanhi ng pagtanggap nilá ng Gawad Ramon Magsaysay noong 1968. Nagretiro sa pagtuturo si Rosario noong 1971 at namatay noong 1986. Nagpatuloy naman sa pamumunò ng kooperatiba si Silvino hanggang mamatay noong Nobyembre 1990. (GVS)